Linggo, Abril 26, 2015

Unang beses sa Maktrav!



Nang magsimula akong mahumaling sa pag-akyat sa mga kabundukan, itinanong ko sa sarili -- Bakit hindi ko inaakyat ang Bundok Makiling?

Malimit ko kasing makita ang kanlungan ni Maria Makiling sa expressway sa tuwing lumuluwas ako papuntang Maynila. At sobra akong nabibighani sa hitsura at hugis ng bundok. Gusto kong malaman kung ano ang tanawin kapag naroon ka sa itaas ng mahiwagang bundok.

Ang Bundok Makiling, tanaw mula sa expressway

Nitong Abril 25, sa wakas, naakyat at tinawid ko, kasama ang lima pang kaibigan, ang Bundok Makiling. Nagsimula ang akyat sa Brgy. San Felix sa Bayan ng Sto. Tomas at nakababa kami sa UP Los BaƱos. Makiling Traverse o "MakTrav" ang tawag dito sa mundo ng mountaineering sa Pinas.

Huli kami ng isang oras sa itinakdang itinerary. 0830 n.u. na kami nang magsimulang umakyat. Dahil unang beses naming lahat gagawin ang MakTrav, kinailangan namin ng serbisyo ni Mang Mar Guevarra, isang guide doon sa Makiling. Humanga kami kay Mang Mar dahil sa edad na 58 at bagaman wala siyang isang kamay, ni hindi namin nakitang nahirapan sya sa kahit anong mapanubok na bahagi ng bundok.

Natagpuan namin ang aming hinahanap na challenge sa simula ng Melkas Ridge, sa may Harimbato hanggang sa Peak 3 (1020+ masl) ng Makiling (Stations 16-18). Napakatarik ng bahaging iyon ng bundok! Mabuti na lamang at maganda ang panahon at tuyo ang trail; hindi masyadong madulas. Bagaman may katarikan, narito sa bahaging ito ang pinakamakapigil-hiningang tanawin. At sa wakas, nakita ko rin ang expressway! Nakatutuwa, ang liliit noong mga sasakyan, mga kotse, bus at trak na dumadaan! Salamat na lang talaga at napakaganda ng panahon noong umakyat kami. Pinagbigyan kami ni Maria Makiling!


Ang expressway, tanaw mula sa Bundok Makiling 
Ang Malipunyo, tanaw mula sa Bundok Makiling
Pinaka-rewarding din ito para sa akin sapagkat nakita ko ang ilan sa mga bundok na naakyat ko na -- Malipunyo, Maculot, Taal at Batulao. Samantala, tila nang-akit din iyong mga bundok na hindi ko pa nabibisita -- Banahaw, Kalisungan, Mabilog at iba pa.

Narating namin ang Peak 3 bandang 1300 n.h, at doon na nananghalian. Sobrang sarap kumain sapagkat labis kaming ginutom ng dinaanang trail na halos 90 degrees! Dito ko na ininom ang baon kong nagyeyelong tubig; langit ang pakiramdam! Ito talaga ang naging motibasyon ko habang sumusuong sa katarikan ng Makiling!

1330 namin itinuloy ang traverse patungo sa mismong taluktok ng Makiling, ang Peak 2 (1090+ masl). Mayroon pang Peak 1 ang Makiling ngunit sarado raw ito dahil sa pananaliksik. Mula sa Peak 3, para makarating sa Peak 2, kinailangan naming dumaan sa tinatawag na "wild boar trail". Bagaman hindi gaanong matarik ang bahaging ito, sobrang macha-challenge ang iyong liksi at kakayahang bumaluktot! Mistulan kasing obstacle course ang kahabaan ng trail na ito; kailangan mong yumuko, lumuhod, gumapang, lumukso at kung ano-ano pa habang umiiwas sa mga halamang Tekateka. Bigla ring naging maputik ang bahaging ito ng trail kaya mas lalong humirap. Sabi ni Mang Mar, maputik daw sa papuntang Peak 2 dahil umulan kamakailan.

Pero masuwerte pa rin daw kami dahil wala ang isa pang challenge ng Maktrav: ang mga notorious na limatik. Ang mga limatik ay mountain leech na sikat dahil sa mandatory blood drive na ipinatutupad nila sa bundok. Kaso lang, dahil tag-init kami umakyat, nagpapahinga raw sila. Nanghinayang naman ako dahil isa sa mga tinarget ko sa akyat na ito ay ang magpasipsip ng dugo sa limatik! Dahil hindi ito nangyari, babalik ako sa tag-ulan!

Matapos ang wild boar trail, narating namin ang taluktok bandang 1510 n.h. Pagod na pagod na kami. Buti na lang at may reserba pa kaming tubig. Salamat na lang sa anim na litrong tubig na dala ni Franz! Nagpahinga muna kami at kumuha ng mga retrato bago simulan ang pagpanaog. Wala rin halos matatanaw sa taluktok ng Makiling kaya't mas mainam talagang kumuha ng retrato sa bahagi ng Melkas Ridge.

Hanapin ang mahiyain naming guide! Hihi. From L-R: Mang Mar, Marc Niel, Vermisse, Layka, Gre, Franz.
Samantala, unang bundok ni Marc Niel! Anlupet! Maktrav agad!

1545 n.h. sinimulan naming bumaba. Madali lang ang trail na ito. Wala nang mga matarik na pag-ahon at halos tuyo na rin lahat ng bahagi ng trail. Mapapagod ka lang talaga at mauumay dahil sa haba nito. Bandang 1730 n.h. na namin narating ang Agila Base kung saan mayroon nang mga habal-habal na naghahatid sa mga mountaineers na tinatamad na o wala nang enerhiyang maglakad hanggang sa tinatawag na Paliguan sa may UPLB.

Dahil pagod na, gutom na, masakit na ang paa, dumidilim na, at gusto na naming makauwi kaagad (#DamingDahilan), napagpasyahan naming magbayad na lang ng P100 para sa habal-habal. Ang sabi rin kasi ng mga habal-habal driver, dalawa't kalahating oras pa raw kung lalakarin mula Agila Base hanggang Paliguan. Ngunit nang marating namin ang Paliguan sakay ng habal-habal, parang hindi naman dalawa't kalahating oras na lakarin yun! Naisahan kami!

Pero ayos na rin. Surreal din naman ang pakiramdam sakay ng habal-habal. Yung nasakyan ko ay may kabilisan kung magpatakbo noong motor. Tapos batuhan pa ang kalahati ng kalsadang daraanan. Kumbaga, naroon ang risk o peligro na matumba ang motor. Pero nagtiwala na rin ako sa driver. Hindi ko rin naman kasi unang beses maghabal-habal. Naranasan ko na ito noong akyat sa Bundok Pulag Disyembre ng nagdaang taon. At mas hardcore ang mga habal-habal drivers doon! Mas hardcore ang mga dinaanan namin noon at mas surreal ang pakiramdam dahil sa ganda ng tanawin!

Sa mga balak sumakay sa habal-habal, sige lang. Makatutulong kung relax ka lang na nakaangkas sa likod ng motor. Magtiwala lang sa driver. Pero kung pakiramdam mo ay sobrang tulin na niya, maaari mo naman siya palaging paalalahanan na bagalan lang ang pagpapatakbo. Habang nakasakay ako sa habal-habal, iniisip ko yung paa ko na hindi pa lubusang gumagaling sa pagkakasuklo. Sabi ko, 'pag tumumba 'to, lagot ako! Hindi ako makakasama sa Bulkang Bulusan sa isang linggo! Pero tiwala naman ako sa kakayahan ni kuya. Batid kong alam naman niya ang kanyang ginagawa.

Pagdating namin sa Paliguan, naglinis na kami ng katawan at nag-ayos ng gamit. Magdidilim na nang simulan namin ang pagpunta roon sa Mang Toto's Chicken Inasal sa may loob lang ng UPLB. Sobrang sarap ng kain namin doon palibhasa'y gutom na gutom na. Mura rin ang pagkain sa lugar at masasabi kong sulit.

Ang pinakahuling pagsubok sa amin sa lakad na ito ay ang biyahe pauwing Batangas. Matapos naming ihatid si Vermisse sa bus patungong Cubao, kami naman ay naghintay nang halos kalahating oras para makasakay ng jeep patungong Crossing sa may Calamba. Mula roon sa Olivarez Plaza hanggang Crossing, inabot kami ng katakot-takot na trapiko! Sobrang daming tao sa Pansol dahil sa mga naliligo! Hindi pa sa kanilang bahay nagsiligo! Tapos, mula Crossing, pumunta pa kaming Turbina para makasakay papuntang Lipa. Samakatuwid, nakauwi ako bandang 2300 n.g. na!

Ngunit sobrang saya ng trip na ito! Pinakamahirap na bundok so far. At mukhang magandang pre-climb nga ito para sa Bulkang Bulusan sa susunod na linggo! Ayos!

Hindi rin kami halos nakakuha ng maraming larawan dahil abalang-abala kami kung paano lalampasan ang mapanubok na trail. Pero sa mga photographers, mainam na magdala ng macro lens dahil sa sobrang daming anyong-buhay na matatagpuan sa bundok. Nakatutuwang mamalas ang ganda ng kagubatan ni Maria Makiling!

Panorama ng Lawa ng Taal! Ang ganda ng tanawing ito!


180-degree panorama







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento