Linggo, Abril 26, 2015

Unang beses sa Maktrav!



Nang magsimula akong mahumaling sa pag-akyat sa mga kabundukan, itinanong ko sa sarili -- Bakit hindi ko inaakyat ang Bundok Makiling?

Malimit ko kasing makita ang kanlungan ni Maria Makiling sa expressway sa tuwing lumuluwas ako papuntang Maynila. At sobra akong nabibighani sa hitsura at hugis ng bundok. Gusto kong malaman kung ano ang tanawin kapag naroon ka sa itaas ng mahiwagang bundok.

Ang Bundok Makiling, tanaw mula sa expressway

Nitong Abril 25, sa wakas, naakyat at tinawid ko, kasama ang lima pang kaibigan, ang Bundok Makiling. Nagsimula ang akyat sa Brgy. San Felix sa Bayan ng Sto. Tomas at nakababa kami sa UP Los BaƱos. Makiling Traverse o "MakTrav" ang tawag dito sa mundo ng mountaineering sa Pinas.

Huli kami ng isang oras sa itinakdang itinerary. 0830 n.u. na kami nang magsimulang umakyat. Dahil unang beses naming lahat gagawin ang MakTrav, kinailangan namin ng serbisyo ni Mang Mar Guevarra, isang guide doon sa Makiling. Humanga kami kay Mang Mar dahil sa edad na 58 at bagaman wala siyang isang kamay, ni hindi namin nakitang nahirapan sya sa kahit anong mapanubok na bahagi ng bundok.

Natagpuan namin ang aming hinahanap na challenge sa simula ng Melkas Ridge, sa may Harimbato hanggang sa Peak 3 (1020+ masl) ng Makiling (Stations 16-18). Napakatarik ng bahaging iyon ng bundok! Mabuti na lamang at maganda ang panahon at tuyo ang trail; hindi masyadong madulas. Bagaman may katarikan, narito sa bahaging ito ang pinakamakapigil-hiningang tanawin. At sa wakas, nakita ko rin ang expressway! Nakatutuwa, ang liliit noong mga sasakyan, mga kotse, bus at trak na dumadaan! Salamat na lang talaga at napakaganda ng panahon noong umakyat kami. Pinagbigyan kami ni Maria Makiling!


Ang expressway, tanaw mula sa Bundok Makiling 
Ang Malipunyo, tanaw mula sa Bundok Makiling
Pinaka-rewarding din ito para sa akin sapagkat nakita ko ang ilan sa mga bundok na naakyat ko na -- Malipunyo, Maculot, Taal at Batulao. Samantala, tila nang-akit din iyong mga bundok na hindi ko pa nabibisita -- Banahaw, Kalisungan, Mabilog at iba pa.

Narating namin ang Peak 3 bandang 1300 n.h, at doon na nananghalian. Sobrang sarap kumain sapagkat labis kaming ginutom ng dinaanang trail na halos 90 degrees! Dito ko na ininom ang baon kong nagyeyelong tubig; langit ang pakiramdam! Ito talaga ang naging motibasyon ko habang sumusuong sa katarikan ng Makiling!

1330 namin itinuloy ang traverse patungo sa mismong taluktok ng Makiling, ang Peak 2 (1090+ masl). Mayroon pang Peak 1 ang Makiling ngunit sarado raw ito dahil sa pananaliksik. Mula sa Peak 3, para makarating sa Peak 2, kinailangan naming dumaan sa tinatawag na "wild boar trail". Bagaman hindi gaanong matarik ang bahaging ito, sobrang macha-challenge ang iyong liksi at kakayahang bumaluktot! Mistulan kasing obstacle course ang kahabaan ng trail na ito; kailangan mong yumuko, lumuhod, gumapang, lumukso at kung ano-ano pa habang umiiwas sa mga halamang Tekateka. Bigla ring naging maputik ang bahaging ito ng trail kaya mas lalong humirap. Sabi ni Mang Mar, maputik daw sa papuntang Peak 2 dahil umulan kamakailan.

Pero masuwerte pa rin daw kami dahil wala ang isa pang challenge ng Maktrav: ang mga notorious na limatik. Ang mga limatik ay mountain leech na sikat dahil sa mandatory blood drive na ipinatutupad nila sa bundok. Kaso lang, dahil tag-init kami umakyat, nagpapahinga raw sila. Nanghinayang naman ako dahil isa sa mga tinarget ko sa akyat na ito ay ang magpasipsip ng dugo sa limatik! Dahil hindi ito nangyari, babalik ako sa tag-ulan!

Matapos ang wild boar trail, narating namin ang taluktok bandang 1510 n.h. Pagod na pagod na kami. Buti na lang at may reserba pa kaming tubig. Salamat na lang sa anim na litrong tubig na dala ni Franz! Nagpahinga muna kami at kumuha ng mga retrato bago simulan ang pagpanaog. Wala rin halos matatanaw sa taluktok ng Makiling kaya't mas mainam talagang kumuha ng retrato sa bahagi ng Melkas Ridge.

Hanapin ang mahiyain naming guide! Hihi. From L-R: Mang Mar, Marc Niel, Vermisse, Layka, Gre, Franz.
Samantala, unang bundok ni Marc Niel! Anlupet! Maktrav agad!

1545 n.h. sinimulan naming bumaba. Madali lang ang trail na ito. Wala nang mga matarik na pag-ahon at halos tuyo na rin lahat ng bahagi ng trail. Mapapagod ka lang talaga at mauumay dahil sa haba nito. Bandang 1730 n.h. na namin narating ang Agila Base kung saan mayroon nang mga habal-habal na naghahatid sa mga mountaineers na tinatamad na o wala nang enerhiyang maglakad hanggang sa tinatawag na Paliguan sa may UPLB.

Dahil pagod na, gutom na, masakit na ang paa, dumidilim na, at gusto na naming makauwi kaagad (#DamingDahilan), napagpasyahan naming magbayad na lang ng P100 para sa habal-habal. Ang sabi rin kasi ng mga habal-habal driver, dalawa't kalahating oras pa raw kung lalakarin mula Agila Base hanggang Paliguan. Ngunit nang marating namin ang Paliguan sakay ng habal-habal, parang hindi naman dalawa't kalahating oras na lakarin yun! Naisahan kami!

Pero ayos na rin. Surreal din naman ang pakiramdam sakay ng habal-habal. Yung nasakyan ko ay may kabilisan kung magpatakbo noong motor. Tapos batuhan pa ang kalahati ng kalsadang daraanan. Kumbaga, naroon ang risk o peligro na matumba ang motor. Pero nagtiwala na rin ako sa driver. Hindi ko rin naman kasi unang beses maghabal-habal. Naranasan ko na ito noong akyat sa Bundok Pulag Disyembre ng nagdaang taon. At mas hardcore ang mga habal-habal drivers doon! Mas hardcore ang mga dinaanan namin noon at mas surreal ang pakiramdam dahil sa ganda ng tanawin!

Sa mga balak sumakay sa habal-habal, sige lang. Makatutulong kung relax ka lang na nakaangkas sa likod ng motor. Magtiwala lang sa driver. Pero kung pakiramdam mo ay sobrang tulin na niya, maaari mo naman siya palaging paalalahanan na bagalan lang ang pagpapatakbo. Habang nakasakay ako sa habal-habal, iniisip ko yung paa ko na hindi pa lubusang gumagaling sa pagkakasuklo. Sabi ko, 'pag tumumba 'to, lagot ako! Hindi ako makakasama sa Bulkang Bulusan sa isang linggo! Pero tiwala naman ako sa kakayahan ni kuya. Batid kong alam naman niya ang kanyang ginagawa.

Pagdating namin sa Paliguan, naglinis na kami ng katawan at nag-ayos ng gamit. Magdidilim na nang simulan namin ang pagpunta roon sa Mang Toto's Chicken Inasal sa may loob lang ng UPLB. Sobrang sarap ng kain namin doon palibhasa'y gutom na gutom na. Mura rin ang pagkain sa lugar at masasabi kong sulit.

Ang pinakahuling pagsubok sa amin sa lakad na ito ay ang biyahe pauwing Batangas. Matapos naming ihatid si Vermisse sa bus patungong Cubao, kami naman ay naghintay nang halos kalahating oras para makasakay ng jeep patungong Crossing sa may Calamba. Mula roon sa Olivarez Plaza hanggang Crossing, inabot kami ng katakot-takot na trapiko! Sobrang daming tao sa Pansol dahil sa mga naliligo! Hindi pa sa kanilang bahay nagsiligo! Tapos, mula Crossing, pumunta pa kaming Turbina para makasakay papuntang Lipa. Samakatuwid, nakauwi ako bandang 2300 n.g. na!

Ngunit sobrang saya ng trip na ito! Pinakamahirap na bundok so far. At mukhang magandang pre-climb nga ito para sa Bulkang Bulusan sa susunod na linggo! Ayos!

Hindi rin kami halos nakakuha ng maraming larawan dahil abalang-abala kami kung paano lalampasan ang mapanubok na trail. Pero sa mga photographers, mainam na magdala ng macro lens dahil sa sobrang daming anyong-buhay na matatagpuan sa bundok. Nakatutuwang mamalas ang ganda ng kagubatan ni Maria Makiling!

Panorama ng Lawa ng Taal! Ang ganda ng tanawing ito!


180-degree panorama







Huwebes, Abril 23, 2015

Ang Akyat sa Manabu at ang Kamangha-manghang Kalangitan



Nitong nagdaang weekend, nag-organize ako ng overnight hike sa Manabu Peak na isa sa mga taluktok ng  Malipunyo. Panlimang akyat ko na ito sa Manabu. Tatlong beses ko itong inakyat noong 2013. Ikaapat naman noong Malipunyo-Manabu traverse Marso ngayong taon. 

Noong una, dahil nais naming magsanay at magkondisyon ng sarili sa binalak na Akyat Pulag sa Mayo, isinet ko na Malipunyo-Manabu traverse ulit ang gawin. Kaya lang, noong malapit na ang araw ng akyat, maraming mga baguhan ang nagpahayag ng interes na sumama. Eh hindi naman kasi madali ang Malipunyo-Manabu traverse. Nung ginawa namin ito ay halos sampung oras kaming naglakad sa mapanubok na trail, sumuot at gumapang sa makikipot na landas na puno ng halamang Tekateka, Rattan at Lipa. Noong patapos na kami sa traverse, namamanhid na ang mga daliri namin sa paa dahil sa pagod. Isa pa, overnight ang akyat na ito at mas mainam kung may magandang view doon sa campsite. Maganda naman ang tanawin sa taluktok ng mismong Malipunyo ngunit mas maganda lang talaga sa Manabu; mas malawak pa ang campsite.

Kaya naman, dahil sa ganitong mga konsiderasyon at dahil sa takot na baka madala sa pamumundok ang mga sasamang baguhan, napagpasyahang Manabu Peak na lamang ang akyatin. Labing-apat kami sa akyat na ito. Halos lahat sa amin ay nagsisimula pa lang talagang mamundok.  

Nang pinaplano ang akyat na ito, nagset ako ng "photography goal". Tinarget kong makakuha ng retrato ng Milky Way o Daang Magatas o Ariwanas na sumisikat sa itaas ng Bundok Malipunyo. Dahil ilang beses na akong nakaakyat sa Manabu, at alam ko kung saang direksyon sumisikat ang Ariwanas, batid kong magagawa ko ang goal na ito basta makisama lang ang panahon. 

Pagkagat ng dilim, maganda ang panahon sa campsite. Clear ang kalangitan at kitang-kita ang mga bituin, maging ang mga ilaw sa mga kalungsuran sa palibot ng bundok. Nakapaghanda kami ng pagkain at nakakain nang matiwasay. Matapos noon, humilata kami sa campsite at pinagmasdan ang langit. Alam kong bandang hatinggabi pa sisikat o aangat sa horizon ang Ariwanas, kaya't naging mainam talagang pampalipas oras ang pag-aabang sa mga bulalakaw. Hindi naman kami nabigo at nakakita ng ilang mga batong sumasagitsit sa ating atmospera at nagliliyab. Humihiyaw kami sa tuwing makakikita ng mga celestial fireworks na ito!

Habang nagmamasid din ng kalangitan, kami'y nagkuwentuhan at naglaro ng Pinoy Henyo. Masaya rin ang larong ito. Bagaman noong ako na ang nanghuhula ay halos hindi ko nakuha ang "correction fluid"!

Masaya kaming pinagmamasan ang langit hanggang sa dumating ang makakapal na ulap na tumalukbong sa amin. Bumagsak ang temperatura at naglaho ang kislap ng mga bituin at ang kinang ng mga ilaw sa lungsod. Gayunman, nakaramdam pa rin kami ng kakaibang lugod dahil oo, nasa loob kami ng mga ulap!

Inilabas ko ang dala kong laser at natuwa kami sa pagtama ng liwanag nito sa mga ulap. Napakaganda. Mabuti na lang din at hindi nagbuhos ng ulan ang mga ulap na tumaklob sa amin. Nakapagluto pa kami ng Shin Ramyun, isang maanghang na Korean noodles na mabibili sa pinakamalapit na 7/11! Swabe!

Matapos nito, humilata na lang ulit kami sa campsite, sa labas ng aming mga tent. Maghahatinggabi na. Alam kong sa mga oras na iyon ay nasa itaas na ng horizon ang konstelasyong Scorpius at Sagittarius kung saan naroroon ang pinakamakapigil-hiningang bahagi ng kalangitan. Kaso lang, maulap pa rin. Nagsisimula na rin kaming antukin. Sabi ko na lang sa sarili ko, kapag maulap pa rin hanggang alas dos ng umaga, matutulog na lamang ako...


Ngunit sa isang iglap, naglaho ang makakapal na ulap at agad kong nakita si Antares, ang alpha star o ang pinakamaliwanag na bituin ni Scorpius! At sa wakas, ipinakita ng kalangitan ang kanyang buong kaluwalhatian! Agad kong kinuha ang kamera at nag-long exposure photography. Manghang-mangha higit lalo ang mga kasama ko na noon lang nalaman na may ganoon palang hiwaga sa langit! 

Kaagad ko silang niyaya na pumanhik sa mismong taluktok sapagkat batid kong mas maganda ang tanawin doon. At hindi nga kami nagkamali.


Ang Ariwanas sa taas ng Malipunyo!


Kakaibang hiwaga ang doo’y aming namalas! Mga maninipis na ulap sa ibaba namin ang marahang tumataklob sa ibang bahagi ng bulubundukin habang sumisilip pa rin ang maraming taluktok nito. Nangingibabaw kami sa tila dagat ng mga ulap! Sa itaas namin, ang makinang na kalangitan; sa ibaba, ang makulay na mga ilaw ng kalunsuran; at sa aming paligid, mga kumukutitap na alitaptap! Kulang na kulang ang salita’t mga retrato sa malapanaginip na tagpong iyon.

Hinintay naming maging vertical o patayo ang oryentasyon ng Ariwanas sa kalangitan. Maganda rin kasi itong retratuhan. Habang naghihintay, natulog ang iba naming kasamahan sa taluktok ng Manabu. Naglatag lamang sila roon ng mga sleeping bag. Kami naman nina Gre at Franz ay nagkaroon ng masarap na kuwentuhang tungkol sa mga kabundukan. Hanggang sa namalayan namin na alas kuwatro na ng umaga. Maulap pa rin at nabatid naming hindi na kami pagbibigyan ng langit sa hiling naming iyon. Kaya ginising na namin ang mga kasama para bumalik na sa campsite at doo'y ituloy ang tulog sa loob ng aming mga tent.

Mababaw at halos wala pang isang oras akong naidlip nang mapansin kong maliwanag na. Dahil nawala na rin ang antok, bumangon na ako at lumabas sa tent. Nagising na rin ang ilan sa mga kasamahan. Muli, kami'y sinurpresa ng langit! 

Anong hiwaga rin ng bukangliwayway! Marahang dumausdos papalayo ang kumot ng maninipis na ulap; tila gumigising ang kabundukan. Nabanaag din ang malaki’t krepuskularyong sinag doon sa may Silangan. Muli kaming umakyat sa taluktok upang mas mamalas pa ang tanawin. At hindi kami nabigo. Natanaw namin ang bilugang bahaghari sa pusod ng maninipis na panganorin! Nasilayan namin ang maraming bayang nababalutan ng ulop, tila unti-unti ring ginigising ng bagong araw! Sa isip ko’y hinaharaya ang mga pangyayari sa bakuran ng maraming kabahayan sa ibaba—ang tunog ng walis-tingting na kumakaskas sa nahamugang lupa at tuyong dahon, ang huni ng mga ibon, ang amoy ng kape, diyaryo’t mainit na pandesal, mga tinig na kagigising pa lamang at garalgal.


Minsan, may mga tanawing bigla na lang talagang nagdudulot ng laksang kaluguran. Ang sarap, sarap sa puso!
Clearing sa taluktok ng Malipunyo.



Martes, Abril 21, 2015

Sa mas marami pang Taluktok!

Abril ng taong 2009 nang una akong makapamundok. Semana Santa noon. Katatapos lang ng unang taon ko sa kolehiyo. Miyembro ako ng Red Cross Youth at naatasang tumao sa isang first aid station sa paanan ng Bundok Maculot upang rumesponde sa mga namamanata at umaakyat sa grotto. Dahil naroon na rin kami, nagsagawa kami ng 'rounds' paakyat sa bundok upang maglapat ng lunas sa kung sinumang nangangailangan. Wala naman masyadong nangailangan ng tulong noong araw na iyon. Hindi rin ako gaanong nahirapang akyatin ang grotto summit ng Maculot sapagkat mayroon nang mga hagdan at lubid doon sa trail.

Iyon ang pinaka-una kong taluktok. Hindi naman kagila-gilalas ang tanawin. Mayroon lang krus doon sa tuktok. Maraming tao, may ilang mga basura sa paligid at mainit dahil sa tirik na araw.
Hindi ako kaagad nahumaling sa pag-akyat sa mga bundok.

Halos tatlong taon pa ang nakalipas, o noong Pebrero 2012, nang marating ko ang tuktok ng pangalawa kong bundok, ang Mt. Samat. Hindi ko nga namalayan noon na bundok na pala 'yun! Nakaakyat ako roon maging sa dambuhalang krus sa Dambana ng Kagitingan nang walang kahirap-hirap! Sa katunayan, kamakailan ko lang nalaman na itinuturing palang bundok ang Samat. 

Matapos naman ang lampas isang taon, narating ko ang pangatlo kong taluktok, ang Manabu Peak na bahagi ng Bulubunduking Malipunyo/Malarayat. Huwebes Santo naman noon. Maulan at madulas ang trail. Mabigat ang nakasakbit na bag sa aking likuran dahil sa kamera, mga damit, tubig at binalot. Masasabi kong doon ako unang nahirapan at na-challenge sa pag-akyat. Doon ko unang naramdaman na umaakyat ako sa isang bundok. At naging sulit ang lahat pagdating sa taluktok! Naabutan pa namin ang lumulubog na araw sa may lawa ng Taal. Unang beses kong nakitang pulang-pula ang araw. Unang beses ko ring nakita ang lungsod ng Lipa mula sa ganoong timbaw, babad sa mga krepuskularyong sinag na tumatakas sa mga panaganorin. Pagkagat ng dilim, lumitaw rin ang isa pang tanawin: ang mga mapaglarong alitaptap sa taluktok ng bundok.

Sa tagpong iyon, napawi ang pagod at nakita ko sa isang bagong liwanag ang pamumundok. Kasabay ng paglawak ng aking pagtanaw at perspektibo, tila lumalim din ang aking pagtingin sa pag-akyat sa bundok. Nang taong iyon, dalawang beses ko pang binalikan ang Manabu kasama ang ilang kaibigan. Dito na namin binigyan ng pangalan ang aming grupo bilang Team Tagaktak. Sa pagkakabuo ng maliit na samahang ito, nagsimula kaming mangarap na makarating sa mas marami pang mga taluktok.

Huwebes Santo naman ng taong 2014 nang balikan ko, kasama ang ilang mga kaibigan, ang Bundok Maculot. Sa pagkakataong ito, hindi na sa grotto kundi sa mas mapanubok na Rockies. Sa akyat na iyon, nabiyayaan kami ng magandang panahon at makapigil-hiningang tanawin doon sa mabatong tuktok. Tanaw na tanaw ang kabuuan ng Lawa ng Taal at ang bantog na bulkan sa pusod nito. Napakaganda!

Isang buwan matapos ng akyat na ito, nagtungo naman kami sa isa pang sikat na bundok para sa mga nagsisimula pa lamang ang Bundok Batulao sa bayan ng Nasugbu. Noon pa man, nakuha na ng Batulao ang aking atensyon dahil sa isang anekdota ng isang paring nagmisa sa amin noong retreat sa kolehiyo. Ang Batulao raw ay hango sa dalawang salita: "bato" at "ilaw". Tuwing Disyembre raw kasi, sa gitna ng dalawang pinakamataas na taluktok ng bundok lumulubog ang araw. Kaya ayon sa mga taga-roon, ito raw ang batong inuuwian ng ilaw. Sa aming pag-akyat, hindi kami binigo ng Batulao. Tunay ngang isa ito sa mga pinakamaririkit at pinakamadadaling akyatin bundok.

Disyembre naman ng taong iyon nang mapagdesisyunan ng grupo na akyatin ang pinakamataas na bundok sa isla ng Luzon, ang Bundok Pulag sa Bokod, Benguet. Hinding-hindi ko malilimutan ang nabigong pagtatangkang ito na marating ang ikatlo sa pinakamatataas na taluktok sa bansa.

Sa akyat namin sa Pulag nangyari ang pinakamahabang gabi ng buhay ko. Balak kong ikuwento nang buo ang akyat na ito sa isang hiwalay na post. Pero upang ibuod ang kuwentong ito, hindi kami pinahintulutan ng mga elemento at panahon na marating ang taluktok. Ang inaasahang "sea of clouds" ay napalitan ng "ocean of pain and disappointment." Bilang mga baguhan sa pamumundok, sobrang dami naming natutunan sa akyat na ito. At ngayon, tinatawanan na lang namin ang mga nangyari sa dalawang araw na iyon ng Disyembre.

Dahil sa karanasang ito, mas lalo akong nanggigil at nauhaw sa mga taluktok ng bundok. Salamat na rin sa mga aral sa Pulag at tila nadagdagan ng ilang layer ang maturity ko bilang isang bagitong mountaineer.

Pagkatapos ng Pulag, sinimulang muli ng aming grupo na galugarin ang mas malalapit at mas madadaling bundok sa Calabarzon. Pebrero 22, 2015, narating namin ang taluktok ng Pico de Loro na bahagi ng Mt. Palay-palay sa Ternate, Cavite. Sa akyat na ito namin mas na-appreciate ang diwa ng tinatawag na 'dayhike' sa mundo ng mountaineering. Di tulad ng pagka-camp out sa isang bundok, mas madaling i-organize ang isang dayhike. Mas madali rin ang pag-akyat sapagkat mas kakaunti ang dala.

Nasundan pa ito ng sunod-sunod na dayhike sa Bulkang Taal, Malipunyo-Manabu traverse at Maculot (Rockies-Summit-Grotto traverse). Nangyari rin ang mga dayhike na ito sa apat na sunod-sunod na Linggo. Nakaaadik ang dayhike! Kamakailan, nag-organize ako ng dayhike sa Batulao at overnight sa Manabu Peak. Training climbs sana ang mga ito sa binalak na 'redemption climb' sa Pulag ngayong Mayo (na hindi rin maitutuloy). Kaya lang, naging invitational climbs ang mga ito upang hikayatin din ang mga interesado at nais magsimula sa pamumundok, at sa mga katulad namin na nais pang makarating sa mas marami pang mga taluktok.

Sa mga susunod na post ay nais kong ikuwento ang detalye ng mga akyat na ito. Kaya ko rin naisipang simulan ang blog na ito ay upang maibahagi sa mas marami ang mga kuwentong kabundukan. Gusto ko ring magpasalamat sa mga blog na sinasanggunian ko sa tuwing magpaplano para sa isang akyat lalong-lalo na sa Pinoymountaineer.com, Ivanlakwatsero.com, at Lagataw.com. Sana'y makasalubong ko po kayo sa ating mga kabundukan isang araw!

Sa ngayon, marami pang nakaplanong akyatin. Marami pang mga taluktok ang nais maabot! Kasabay noon, nais kong isigaw sa daigdig na natatangi ang kariktan ng mga kabundukan ng Filipinas. At dapat natin itong alagaan para sa mga susunod pa sa atin.

Sana sa pagtapak ng tao sa mga taluktok ng bundok, mas lumalim pa ang pagkaugnay niya sa kanyang paligid at sa kanyang sarili.


***
Heto ang ilan sa mga larawan ng mga bundok na narating ko na: