Retrato ni Derik Cumagun |
Naalala ko naman ang mala-bangungot na karanasan sa Bundok Pulag noong Disyembre ng nagdaang taon. Inulan kami sa Camp 2 at iyon ang naging pinakamahabang gabi ng buhay ko!
Nang pinlano namin ang akyat sa Pulag, sinunod namin yung tipikal na 2D1N itinerary sa Ambangeg trail. Baguhang bundukero pa lang kaming lahat nung mga panahon na yun. Gusto lang naming akyatin ang Pulag sa pinakamadali nitong trail at makita ang pamosong "sea of clouds" na matatanaw mula sa taluktok ng ikatlo sa pinakamataas na bundok sa bansa.
Kaso, ito na yung pinakamatinding biro ng kalikasan sa amin. Ibang-iba ang aming mga ekspektasyon sa realidad na natikman.
Ang plano, pagdating namin sa Camp 2, doon kami magtatayo ng mga tent at magpapalipas ng gabi para sa summit assault madaling araw kinabukasan. Naging maayos naman ang aming simula ng aming akyat. Maulap pero kampante kaming aaliwalas din ang panahon. Hindi pa rin gaanong masakit sa balat ang lamig ng temperatura habang nasa Ambangeg trail.
Pagdating namin ng Camp 2 bandang 1700 ng hapon, mahina pa ang ulan pero kulay puti na ang paligid. Hindi na namin makita ang langit. Apat na tent ang itinayo namin at nagpahinga muna kami habang hinihintay ang pagganda ng panahon.
Pero sa halip na sa paganda ay naging masungit pa ang langit sa amin. Pagkagat ng dilim, mas lalong lumakas ang ulan. Ang ilan sa amin (kasama ako) ay sinaktan na rin ng ulo. Suspetsa namin ay bunsod ito ng matinding lamig at altitude sickness. Hindi rin kami kaagad nakapaghanda o nakapagluto ng hapunan sapagkat maulan sa labas.
Nanatili kami sa loob ng mga tent ngunit kalaunan, nang lumakas pa ang ulan at hangin, pinasok na ng nagyeyelong tubig ang tatlo sa apat na tent. At simula pa lamang ito ng napakahabang gabi sa Pulag!
Napagtanto naming mali ang tinayuan namin ng tent dahil daanan pala iyon ng tubig. Wala kasi kaming nagawa dahil pagdating namin sa Camp 2 ay marami nang nakapagtayo ng tent sa mga magandang lokasyon.
Isinuot na namin lahat ng baong panlamig ngunit tagos hanggang buto pa rin ang ginaw. Lampas tatlong patong na ng damit ang suot namin pero wala pa rin! Hanggang sa nabasa na rin ang mga sleeping bag na panlatag namin sa tent. Dahil dito, hindi na rin kami makatulog. Mas lalo ring sumakit ang ulo ng ilan sa amin!
Sobrang tagal lumipas ng oras! Bawat check namin sa oras eh minuto lang ang lumilipas. Wala kaming magawa. Dumating na sa puntong kung ano-ano na ang sinasabi namin habang natatawa na lang sa kalunos-lunos naming kalagayan. Batid naming nasa bingit na kami ng hypothermia nung mga sandaling iyon.
Nang hindi ko na kinaya ang lamig, lumipat na ako dun sa isang tent na medyo maganda ang puwesto at tuyo pa sa loob. Apat na ang nandun sa loob ng tent pero tatlo pa kaming dumagdag doon. Masakit pa rin ang ulo ko kaya hindi gaanong nakatulog. Sa gilid din ako ng tent nakapuwesto at nababasa ring bahagya ang bahaging yun. Sobrang lamig talaga ng tubig!
Samantala, sina Sir Derik, Ate Layka, Girlie, Gibo at TJ ay sumama sa aming guide patungo sa ranger station. Kuwento nila, may bonfire daw roon ang mga guide at yung mga campers na hindi na kinakaya ang lamig sa mga tent ay doon dinadala.
Nang malapit nang sumikat ang araw, nawalan na rin kami ng pag-asang gaganda pa ang panahon. Kumalat na ang liwanag at napagpasyahang hindi na mag-summit assault dahil sa sama ng panahon. Maulan pa rin at malakas ang hangin. At gustong-gusto na naming bumaba!
Halos lahat ng gamit namin, nabasa. Yung mga DSLR, cellphone at iba pang gadget na dala namin ay nag-moist na rin. Ang planong astrophotography at Milky Way shots, nawala nang lahat! Wala na kaming pakialam! Gusto na naming umuwi! Ang sakit-sakit na sa balat at sa ilong ng lamig! Hindi na halos namin maramdaman ang mga daliri namin!
At dahil basang-basa na ang mga gamit namin, pahirapan din sa pag-eempake. Yung iba sa amin, kumuha na ng serbisyo ng porter para mas madali ang pagbitbit. Hanggang sa pagbaba namin, hindi pa rin tumitila ang ulan!
Habang palapit kami nang palapit sa Babadac ranger station, paganda rin nang paganda ang panahon. Nakaloloko talaga ang panahon!
Pero pagbalik namin sa ibaba, napagpasyahan na lang naming magliwaliw at sulitin ang nalalabing oras sa Baguio.
Dahil sa karanasang ito sa Pulag, napakarami naming napagtanto bilang mga batang bundukero. Napakaraming aral ang napulot! Respeto sa bundok. Huwag na huwag mamaliitin ang bundok, Palaging paghandaan ang mga posibleng mangyari. Higit sa lahat, anuman ang mangyari, masama man ang panahon, huwag na huwag tumigil sa paghahanap ng mga dahilan para gumaan at sumaya ang sitwasyon. Kaya salamat, Bundok Pulag!
Kamakailan, inulan din kami nang matindi sa taluktok ng Bundok Daguldol. Dumagundong ang malalakas na kulog at kidlat sa campsite. Pero salamat sa karanasan sa Pulag. Hindi kami nag-panic sa sitwasyong dahil walang-wala pa yun sa kalingkingan ng pagkalamig na bangungot sa Pulag!
(To be updated with photos and video clips...)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento