Lunes, Mayo 25, 2015

Tagaktak sa Bundok na Naguiling!




Isang buwan matapos tawirin ang kanlungan ni Maria Makiling at tatlong linggo matapos ang napurnadang akyat sa nag-alburotong Bulkang Bulusan, sa wakas ay naitungtong kong muli sa isang taluktok ang paa kong hindi pa lubusang gumagaling sa pagkasuklo.

Nitong nagdaang Linggo, narating ng Team Tagaktak ang diumano'y pinakamataas na taluktok sa lalawigan ng Batangasang Bundok Naguiling sa Lobo, 1007 masl. Mas mataas nang dalawang metro sa taluktok ng Bundok Malipunyo sa Lipa. Magkasing-hirap akyatin ang dalawang bundok ngunit kung manggagaling sa Maynila, di hamak na mas mahirap marating ang jump-off point ng Bundok Naguiling sa Brgy. Jaybanga. Kailangan mo munang dumaan sa mala-isaw na kalsada!

Dahil mahirap pumunta rito, sa pribado man o pampublikong transportasyon, hindi pa ito paboritong puntahan ng mga bundukero. At ayon sa guide namin na si Kuya Allan, taong 2013 lang daw nagsimula ang mga organisadong pag-akyat sa Bundok Naguiling. Kaya naman hindi pa gaanong bugbog ang trail ng bundok. Sana lang ay mapangalagaan ang Naguiling sa panahong maging sikat na destinasyon na ito sa mga bundukero. 


Lahat kaming sumama sa akyat na ito ay unang beses sa Naguiling. Wala pang nakaranas sa amin kung paano talaga pumunta roon. Sumangguni lamang kami sa mga blog na may detalyadong account ng akyat sa Naguiling.

Dahil nalaman kong mahirap ang transportasyon papunta at paalis sa Brgy. Jaybanga sa Lobo, nagdesisyon akong umarkila na lamang ng dyip para sa akyat na ito. Imposible rin kasi ang itineraryong day hike kung aasa sa pampublikong transportasyon dahil madalang ang mga dyip na bumabiyahe papuntang Jaybanga. Base sa itinerary ng PinoyMountaineer, mula sa Lipa ay tinaya kong dalawang oras ang aabutin para makarating sa Jaybanga gamit ang pinakamaikling ruta (Lipa-Padre Garcia-Rosario-Lobo) na ipinakita sa akin ni Google Maps. Kaya sa ginawa kong itinerary, 0445H ang ETD papunta sa Jaybanga at 0700H naman ang simula dapat ng akyat.


Kaso lang, naligaw kami. At kasalanan ko 'yun. Nang makita ko 'yung ruta ni Google Maps, itinigil ko na ang pagsasaliksik. 2012 ako huling nakapunta sa bayan ng Lobo at doon kami dumaan sa lungsod ng Batangas. Sa pagkakatanda ko, mahaba at sobrang daming zigzag ng rutang iyon kaya agad akong natuwa sa maikling ruta ni Google Maps. Hindi ko na pinansin yung isa pang rutang daraan sa bayan ng Taysan...

Nang dinaraanan na namin yung ruta ni Google Maps, hindi ko halos matawag na kalsada ang kahabaan nun! Bukod sa paliko-liko, sobrang gaspang at maalikabok nung daan! Marami pang bahagi ang hindi sementado. Matatarik na ahon at lusong ang sinuong ng aming dyip. Mabuti na lang at halimaw rin ang driver naming si Kuya Nonoy!

Nang malapit na kami sa dulo ng ruta, natagpuan namin ang aming mga sarili sa tabing-ilog na imposibleng tawirin ng dyip. Kaya naman bumalik kami at saka pa lamang gumawa ng Plan B. Pero salamat sa Diyos, hindi pa kami nakalalayo, mayroon kaming napagtanungan na papunta rin sa Brgy. Jaybanga! Sinamahan niya kami at malugod na itinuro ang tamang daan!

Bagaman huli na nang isa't kalahating oras sa itinakdang itineraryo, nakarating kami nang ligtas sa bahay ni Kapitan Romeo Delen ng Brgy. Jaybanga. Doon kami tinagpo ni Kuya Alvin na aming guide. Doon na rin kami nagparehistro. At ang 0700H na akyat, naging 0820H. 

Akala ko ay hindi na namin maaabot ang taluktok dahil masyado na kaming nahuli sa itinerary. Isa pa, noong nagsisimula na ang akyat, halos lahat kami ay madaling hinapò dahil matagal na ring hindi umaakyat ng bundok. Marami rin sa grupo ang baguhan pa lamang sa pag-akyat ng bundok. Dagdag hirap din ang maalinsangang panahon. Para kaming sinisilaban sa ilang yugto ng trail. 

Ayon din sa difficulty rating ng PinoyMountaineer, 5/9 at major climb ang Bundok Naguiling, o kasing-hirap ng Maktrav (Makiling traverse). Pero sa tantsa ko, 4/9 lamang ito at kasing-hirap nga ng Malitrav (Malipunyo traverse). Pero dahil sa hirap ng dinanas naming biyahe, puwede na nga ring 5/9!




Sa kabuuan, siyam (9) na oras at apatnapung (40) minuto namin tinapos ang day hike na ito, mula sa bahay ni Kapitan at pabalik, kasama na ang lahat ng pahinga at pagkain. Mula sa bahay ni Kapitan hanggang sa taluktok ay 5.37 kilometro. Halos lahat ng bahagi ng trail ay paahon. Pinakamahirap 'yong matarik at mabatong bahagi na kung tawagin ay 'Paniya trail'. Maluwag ang ilang bato kaya't naroon ang panganib na gumulong ang ilan sa mga ito. Sa aming akyat, muntik nang matamaan si Aimee ng gumugulong na batong sinlaki ng hollow block! Mabuti na lamang at nakatungtong siya sa isa pang bato kung saan tumama ang gumugulong na kapahamakan. May ikinuwento rin si Kuya Allan na mayroon daw isang mountaineer na muntik nang mabalian dahil nagulungan din ng bato ang paa. Mabuti na lamang daw at hindi gaanong nakabuwelo ang naturang bato.

Sa kabuuan ng trail paakyat sa tuktok ng Naguiling, sa Balatikan campsite ang pinakamagandang tanawin. Mula rito, makikita halos ang buong lalawigan ng Batangas dahil sa 180° na tanawin. Masuwerte kami at maaliwalas ang langit sa aming pag-akyat. Nakita namin sa kaliwa ang kalapit na Bangkalan Peak (700 masl). Sa bandang kaliwa rin ang Bundok Banoi (960+ masl). Tanaw rin sa malayo ang Bundok Makulot (947 masl) at Bulubunduking Malipunyo (1,005 masl). Sa likod naman ng Malipunyo, sumisilip ang Bundok Makiling (1090+ masl). Bigo naman kaming makita nang buo ang Bundok Banahaw (2,158+ masl) at Bundok Cristobal (1,470+ masl) dahil natatakluban sila ng ulap. Samantala, mula Balatikan ay natatakluban ng bahagi ng Naguiling ang Bundok Daguldol (670+ masl) sa bayan ng San Juan. 



Ang 'Balatikan' ay galing sa salitang 'balatík' na isang bitag na ginagamit para manghuli ng baboy ramo. Sa etnoastronomiyang Filipino ni Dante Ambrosio, 'Balatík' din ang tawag sa talampad o konstelasyong 'Orion'. Hango rin ito sa hugis ng naturang patibong. Natuwa ako nang malaman ang bagay na ito. Kaya sa susunod na magawi ako sa Naguiling, doon na magpapalibas ng gabi upang makunan ng retrato ang talampad na Balatík mula sa Balatikan! 

Pagkagaling namin sa Balatikan ay bumalik kami sa Kubo upang doo'y mananghalian. May libre rin kaming tubig galing sa malapit na bukal. Salamat na lang kay Kuya Leon na siyang may-ari yata nung Kubo. Matapos kumain ay iniwan namin sa Kubo ang ilang gamit para mas madaling umakyat. Pinaalalahanan kasi kami ni Kuya Allan na hindi madali ang trail paakyat sa taluktok at aabutin kami ng kulang-kulang tatlong oras. Pero walang nagpaiwan sa amin; lahat ay nais marating ang tuktok!

Sinimulan namin ang summit assault tanghaling tapat 1205H, at nakarating sa taluktok matapos ang dalawang (2) oras at dalawampu't apat (24) na minuto o 1429H. Malaking tulong na magaan na ang aming mga bag. Kaso lang, halos lahat kami ay naubusan ng dalang tubig dahil lubhang nakauuhaw ang pag-akyat, at hindi tulad sa Makiling o Malipunyo, halos walang malamig na lawiswis ang tumatagos sa trail. 

Sa taluktok ng Naguiling, hindi gaanong makapigil-hininga ang tanawin. Marami kasing matataas na puno rito. Makikita lang sa timog-kanluran ang Isla Verde at sa likod nito, ang isla ng Mindoro. Kung nais makakita nang mas malawak na tanawin, kailangan pang umakyat sa puno (tulad ng ginawa ni Gre). Sinabi rin ni Kuya Allan na balak nilang i-clear ang ilang bahagi ng taluktok para sa view. Pero kung ako ang tatanungin, huwag na lang sana. Nauunawaan ko na marahil gusto rin nila Kuya Allan na i-clear ang bahaging ito para sa mga bundukerong bumibisita sa Naguiling. Marami kasi ang itinuturing na reward ang tanawin sa taluktok ng bundok. At totoong nakapapawi talaga ng pagod ang picture-perfect na 360° tanawin tulad ng sa Bundok Batulao at Pico de Loro. Sulit nga naman ang pagod dahil sa mga ito. Ngunit hindi talaga lahat ng bundok ay may makapigil-hiningang tanawin sa taluktok. Katotohanan ito na kailangang tanggapin para hindi na kailangan pang sirain ang mga puno't halaman doon sa tuktok.



Saksi kami sa yaman ng anyong-buhay sa bundok na ito. Sa tuktok ng Naguiling, nakakita kami ng tinatawag na pitcher plant na itinuturing na carnivorous dahil nangangain sila ng mga insekto at maliliit na hayop na nabubulid sa mga dahong patibong na hugis pitsel. Unang beses kong nakakita noon. Dati'y napapanood ko lang 'yun sa National Geographic! Sabi ni Kuya Allan, maaari raw inumin yung tubig doon ngunit sa kaunting pagsasaliksik ko sa internet, may mga nagsasabing hindi raw dahil nakalalason. Pero sabi rin ng ibang source sa internet, puwede naman daw. Hindi ko alam kung sinong nagsasabi ng totoo!

Kanlungan din ng maraming uri ng ibon ang Naguiling. Ilang beses kaming nagalak sa tanawin ng mga lawin o brahminy kite (Haliastur indus) na marahang nagpapadausdos sa langit, animo'y hari sa itaas ng malawak at lungting kaharian. Nakakita rin sina Ate Layka at Gibo ng tinatawag kong 'kalapating heartbroken' o Luzon bleeding-heart (Gallicolumba luzonica). Habang nasa isang pahingahan, nakakita naman kami sa mga puno ng niyog ng mga martines o Asian glossy starling (Aplonis panayensis). At noong nasa bahaging 'Inabutan' bago sumapit ang taluktok, nakarinig kami ng koro ng mga kalaw o rufous hornbill, na kilala rin bilang Philippine hornbill (Buceros hydrocorax). Mahirap daw makita ang mga kalaw na ito dahil ayon kay Kuya Alvin, sa matataas na puno sila malimit nakadapo. Mayroon ding mga maya o Eurasian tree sparrow (Passer montanus), layang-layang o barn swallow (Hirundo rustica), uwak o crow (Family Corvidae) at marami pang iba.

Sa kasamaang palad, dahil inubos ng trail ang aming lakas at 250 mm lang ang dala naming lente (dahil wala pa talaga kaming budget para sa matinong lenteng pang-birding), hindi na namin nakunan ng retrato ang mga ibong ito. Idagdag pa na medyo mapanubok talaga ang pagkuha ng retrato ng mga ibon at may hinahabol kaming oras. Ngunit sa banda-banda riyan, kapag nakabalik sa Naguiling, hindi na lang talaga day hike ang gagawing itineraryo upang higit na mamalas ang rikit ng mga ibong malaya sa kanilang kagubatan.


***

Salamat sa mga nakasama sa akyat na ito. Isa sa mga pinakamahirap dahil sa dami ng pinagdaanang aberya at paliku-likong kalsada. Gayunman, isa rin ito sa pinakamasaya! Sa uulitin! Maraming salamat, Gre, Gibo, Gado, Layka, Vermisse, Floyd, TJ, Marg, Nikke, Aimee, Szia at Meg! Overnight na sa sunod! Maraming salamat din kina Kuya Nonoy na halimaw magmaneho at kay Kuya Bulilit! Salamat din sa napakabait naming mga guide sa bundok, sina Kuya Allan at Alvin Magnaye!


Pasasalamat din sa mga website na nakapagbigay ng 'di matatawarang impormasyon para maisagawa ang day hike na ito! PinoyMountaineer, Mtnaguilinglobobatangas, Cityboytripper, at Crocifixio!

Sa mga nagnanais akyatin ang Naguiling, sana'y makatulong din ang ilang impormasyong ito:

Aktuwal na Itineraryo (Day Hike)
0815 Nagparehistro sa Barangay Jaybanga
0820 Sinimulan ang akyat mula sa bahay nina Kapitan
1030 Kubo ni Kuya Leon; itinuloy ang akyat hanggang Balatikan campsite 
1045 Balatikan; kumuha ng mga retrato
1120 Bumalik sa Kubo 
1135 Kubo; nagtanghalian; nagpahinga
1205 Sinimulan ang pag-akyat sa taluktok; dinaanan ang batuhang trail
1315 Narating ang patag na bahagi ng trail; bahagyang nagpahinga; itinuloy ang akyat
1430 Narating ang taluktok; nagpahinga
1500 Sinimulan ang pagpanaog mula sa taluktok
1645 Kubo; nagpahinga; itinuloy ang akyat
1740 Bahay nina Kuya Alvin Magnaye; nagpahinga, kumain; dumiretso kina Kapitan
1800 Bahay nina Kapitan; nagpahinga, naglinis, nag-ayos ng gamit, nag-lomi
1915 Nakaalis pabalik sa Lipa
2045 Nakarating sa Lipa gamit ang rutang dumaan sa Fortune Cement sa bayan ng Taysan

Ilang Gastusin
P20 - Pagpapatala sa Brgy. Jaybanga
P500 - Bayad sa isang guide/araw (guide-mountaineer ratio ay 1:5)

Kontak ng Guide
Allan Magnaye - 09488572737

Kontak ni Kapitan
Romeo Delen - 09485609151 / 09177575186

Ilan pang Bagay
-Ang bigkas daw sa 'Naguiling' ay hindi katulad ng bigkas sa 'Makiling'. Mabagal ang pagbigkas sa unang pantig na 'Na-'. 
-Ang mga Rice Terraces sa Brgy. Jaybanga ay maliliit lamang. Huwag nang umasa na sinlalaki sila noong mga nasa hilagang bulubundukin ng bansa. Mas maganda rin ang mga palayang ito sa mga panahong luntian pa ang mga tanim.
-Mainam na magdala ng sapat na tubig kung aakyat sa Naguiling. Mayroon namang bukal na pinagkukunan ng tubig malapit sa Balatikan ngunit kung maselan ang tiyan, huwag nang subukan.
-Ang bulubunduking kinabibilangan ng Naguiling at Daguldol ay tinatawag ding Lobo-San Juan Mountain Range.
-Tuwing tag-araw, mahina raw ang agos doon sa munting talon sa Naguiling. Hindi na kami dinala nina Kuya Allan sa talon dahil kinulang na kami sa oras at marami rin daw naliligo roon. Hindi raw kami makakasingit kung gusto naming maglublob!





1 komento:

  1. Iron, titanium meaning, and how to use it
    Iron is titanium daith jewelry an alloy of silicon titanium ore oxide which is formed by melting the iron blocks titanium rimless glasses into a pot of pure titanium oxide. The 2014 ford focus titanium hatchback alloy is enriched with 메이피로출장마사지

    TumugonBurahin