Huwebes, Abril 23, 2015

Ang Akyat sa Manabu at ang Kamangha-manghang Kalangitan



Nitong nagdaang weekend, nag-organize ako ng overnight hike sa Manabu Peak na isa sa mga taluktok ng  Malipunyo. Panlimang akyat ko na ito sa Manabu. Tatlong beses ko itong inakyat noong 2013. Ikaapat naman noong Malipunyo-Manabu traverse Marso ngayong taon. 

Noong una, dahil nais naming magsanay at magkondisyon ng sarili sa binalak na Akyat Pulag sa Mayo, isinet ko na Malipunyo-Manabu traverse ulit ang gawin. Kaya lang, noong malapit na ang araw ng akyat, maraming mga baguhan ang nagpahayag ng interes na sumama. Eh hindi naman kasi madali ang Malipunyo-Manabu traverse. Nung ginawa namin ito ay halos sampung oras kaming naglakad sa mapanubok na trail, sumuot at gumapang sa makikipot na landas na puno ng halamang Tekateka, Rattan at Lipa. Noong patapos na kami sa traverse, namamanhid na ang mga daliri namin sa paa dahil sa pagod. Isa pa, overnight ang akyat na ito at mas mainam kung may magandang view doon sa campsite. Maganda naman ang tanawin sa taluktok ng mismong Malipunyo ngunit mas maganda lang talaga sa Manabu; mas malawak pa ang campsite.

Kaya naman, dahil sa ganitong mga konsiderasyon at dahil sa takot na baka madala sa pamumundok ang mga sasamang baguhan, napagpasyahang Manabu Peak na lamang ang akyatin. Labing-apat kami sa akyat na ito. Halos lahat sa amin ay nagsisimula pa lang talagang mamundok.  

Nang pinaplano ang akyat na ito, nagset ako ng "photography goal". Tinarget kong makakuha ng retrato ng Milky Way o Daang Magatas o Ariwanas na sumisikat sa itaas ng Bundok Malipunyo. Dahil ilang beses na akong nakaakyat sa Manabu, at alam ko kung saang direksyon sumisikat ang Ariwanas, batid kong magagawa ko ang goal na ito basta makisama lang ang panahon. 

Pagkagat ng dilim, maganda ang panahon sa campsite. Clear ang kalangitan at kitang-kita ang mga bituin, maging ang mga ilaw sa mga kalungsuran sa palibot ng bundok. Nakapaghanda kami ng pagkain at nakakain nang matiwasay. Matapos noon, humilata kami sa campsite at pinagmasdan ang langit. Alam kong bandang hatinggabi pa sisikat o aangat sa horizon ang Ariwanas, kaya't naging mainam talagang pampalipas oras ang pag-aabang sa mga bulalakaw. Hindi naman kami nabigo at nakakita ng ilang mga batong sumasagitsit sa ating atmospera at nagliliyab. Humihiyaw kami sa tuwing makakikita ng mga celestial fireworks na ito!

Habang nagmamasid din ng kalangitan, kami'y nagkuwentuhan at naglaro ng Pinoy Henyo. Masaya rin ang larong ito. Bagaman noong ako na ang nanghuhula ay halos hindi ko nakuha ang "correction fluid"!

Masaya kaming pinagmamasan ang langit hanggang sa dumating ang makakapal na ulap na tumalukbong sa amin. Bumagsak ang temperatura at naglaho ang kislap ng mga bituin at ang kinang ng mga ilaw sa lungsod. Gayunman, nakaramdam pa rin kami ng kakaibang lugod dahil oo, nasa loob kami ng mga ulap!

Inilabas ko ang dala kong laser at natuwa kami sa pagtama ng liwanag nito sa mga ulap. Napakaganda. Mabuti na lang din at hindi nagbuhos ng ulan ang mga ulap na tumaklob sa amin. Nakapagluto pa kami ng Shin Ramyun, isang maanghang na Korean noodles na mabibili sa pinakamalapit na 7/11! Swabe!

Matapos nito, humilata na lang ulit kami sa campsite, sa labas ng aming mga tent. Maghahatinggabi na. Alam kong sa mga oras na iyon ay nasa itaas na ng horizon ang konstelasyong Scorpius at Sagittarius kung saan naroroon ang pinakamakapigil-hiningang bahagi ng kalangitan. Kaso lang, maulap pa rin. Nagsisimula na rin kaming antukin. Sabi ko na lang sa sarili ko, kapag maulap pa rin hanggang alas dos ng umaga, matutulog na lamang ako...


Ngunit sa isang iglap, naglaho ang makakapal na ulap at agad kong nakita si Antares, ang alpha star o ang pinakamaliwanag na bituin ni Scorpius! At sa wakas, ipinakita ng kalangitan ang kanyang buong kaluwalhatian! Agad kong kinuha ang kamera at nag-long exposure photography. Manghang-mangha higit lalo ang mga kasama ko na noon lang nalaman na may ganoon palang hiwaga sa langit! 

Kaagad ko silang niyaya na pumanhik sa mismong taluktok sapagkat batid kong mas maganda ang tanawin doon. At hindi nga kami nagkamali.


Ang Ariwanas sa taas ng Malipunyo!


Kakaibang hiwaga ang doo’y aming namalas! Mga maninipis na ulap sa ibaba namin ang marahang tumataklob sa ibang bahagi ng bulubundukin habang sumisilip pa rin ang maraming taluktok nito. Nangingibabaw kami sa tila dagat ng mga ulap! Sa itaas namin, ang makinang na kalangitan; sa ibaba, ang makulay na mga ilaw ng kalunsuran; at sa aming paligid, mga kumukutitap na alitaptap! Kulang na kulang ang salita’t mga retrato sa malapanaginip na tagpong iyon.

Hinintay naming maging vertical o patayo ang oryentasyon ng Ariwanas sa kalangitan. Maganda rin kasi itong retratuhan. Habang naghihintay, natulog ang iba naming kasamahan sa taluktok ng Manabu. Naglatag lamang sila roon ng mga sleeping bag. Kami naman nina Gre at Franz ay nagkaroon ng masarap na kuwentuhang tungkol sa mga kabundukan. Hanggang sa namalayan namin na alas kuwatro na ng umaga. Maulap pa rin at nabatid naming hindi na kami pagbibigyan ng langit sa hiling naming iyon. Kaya ginising na namin ang mga kasama para bumalik na sa campsite at doo'y ituloy ang tulog sa loob ng aming mga tent.

Mababaw at halos wala pang isang oras akong naidlip nang mapansin kong maliwanag na. Dahil nawala na rin ang antok, bumangon na ako at lumabas sa tent. Nagising na rin ang ilan sa mga kasamahan. Muli, kami'y sinurpresa ng langit! 

Anong hiwaga rin ng bukangliwayway! Marahang dumausdos papalayo ang kumot ng maninipis na ulap; tila gumigising ang kabundukan. Nabanaag din ang malaki’t krepuskularyong sinag doon sa may Silangan. Muli kaming umakyat sa taluktok upang mas mamalas pa ang tanawin. At hindi kami nabigo. Natanaw namin ang bilugang bahaghari sa pusod ng maninipis na panganorin! Nasilayan namin ang maraming bayang nababalutan ng ulop, tila unti-unti ring ginigising ng bagong araw! Sa isip ko’y hinaharaya ang mga pangyayari sa bakuran ng maraming kabahayan sa ibaba—ang tunog ng walis-tingting na kumakaskas sa nahamugang lupa at tuyong dahon, ang huni ng mga ibon, ang amoy ng kape, diyaryo’t mainit na pandesal, mga tinig na kagigising pa lamang at garalgal.


Minsan, may mga tanawing bigla na lang talagang nagdudulot ng laksang kaluguran. Ang sarap, sarap sa puso!
Clearing sa taluktok ng Malipunyo.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento