Iyon ang pinaka-una kong taluktok. Hindi naman kagila-gilalas ang tanawin. Mayroon lang krus doon sa tuktok. Maraming tao, may ilang mga basura sa paligid at mainit dahil sa tirik na araw.
Hindi ako kaagad nahumaling sa pag-akyat sa mga bundok.
Halos tatlong taon pa ang nakalipas, o noong Pebrero 2012, nang marating ko ang tuktok ng pangalawa kong bundok, ang Mt. Samat. Hindi ko nga namalayan noon na bundok na pala 'yun! Nakaakyat ako roon maging sa dambuhalang krus sa Dambana ng Kagitingan nang walang kahirap-hirap! Sa katunayan, kamakailan ko lang nalaman na itinuturing palang bundok ang Samat.
Matapos naman ang lampas isang taon, narating ko ang pangatlo kong taluktok, ang Manabu Peak na bahagi ng Bulubunduking Malipunyo/Malarayat. Huwebes Santo naman noon. Maulan at madulas ang trail. Mabigat ang nakasakbit na bag sa aking likuran dahil sa kamera, mga damit, tubig at binalot. Masasabi kong doon ako unang nahirapan at na-challenge sa pag-akyat. Doon ko unang naramdaman na umaakyat ako sa isang bundok. At naging sulit ang lahat pagdating sa taluktok! Naabutan pa namin ang lumulubog na araw sa may lawa ng Taal. Unang beses kong nakitang pulang-pula ang araw. Unang beses ko ring nakita ang lungsod ng Lipa mula sa ganoong timbaw, babad sa mga krepuskularyong sinag na tumatakas sa mga panaganorin. Pagkagat ng dilim, lumitaw rin ang isa pang tanawin: ang mga mapaglarong alitaptap sa taluktok ng bundok.
Sa tagpong iyon, napawi ang pagod at nakita ko sa isang bagong liwanag ang pamumundok. Kasabay ng paglawak ng aking pagtanaw at perspektibo, tila lumalim din ang aking pagtingin sa pag-akyat sa bundok. Nang taong iyon, dalawang beses ko pang binalikan ang Manabu kasama ang ilang kaibigan. Dito na namin binigyan ng pangalan ang aming grupo bilang Team Tagaktak. Sa pagkakabuo ng maliit na samahang ito, nagsimula kaming mangarap na makarating sa mas marami pang mga taluktok.
Huwebes Santo naman ng taong 2014 nang balikan ko, kasama ang ilang mga kaibigan, ang Bundok Maculot. Sa pagkakataong ito, hindi na sa grotto kundi sa mas mapanubok na Rockies. Sa akyat na iyon, nabiyayaan kami ng magandang panahon at makapigil-hiningang tanawin doon sa mabatong tuktok. Tanaw na tanaw ang kabuuan ng Lawa ng Taal at ang bantog na bulkan sa pusod nito. Napakaganda!
Isang buwan matapos ng akyat na ito, nagtungo naman kami sa isa pang sikat na bundok para sa mga nagsisimula pa lamang —ang Bundok Batulao sa bayan ng Nasugbu. Noon pa man, nakuha na ng Batulao ang aking atensyon dahil sa isang anekdota ng isang paring nagmisa sa amin noong retreat sa kolehiyo. Ang Batulao raw ay hango sa dalawang salita: "bato" at "ilaw". Tuwing Disyembre raw kasi, sa gitna ng dalawang pinakamataas na taluktok ng bundok lumulubog ang araw. Kaya ayon sa mga taga-roon, ito raw ang batong inuuwian ng ilaw. Sa aming pag-akyat, hindi kami binigo ng Batulao. Tunay ngang isa ito sa mga pinakamaririkit at pinakamadadaling akyatin bundok.
Disyembre naman ng taong iyon nang mapagdesisyunan ng grupo na akyatin ang pinakamataas na bundok sa isla ng Luzon, ang Bundok Pulag sa Bokod, Benguet. Hinding-hindi ko malilimutan ang nabigong pagtatangkang ito na marating ang ikatlo sa pinakamatataas na taluktok sa bansa.
Sa akyat namin sa Pulag nangyari ang pinakamahabang gabi ng buhay ko. Balak kong ikuwento nang buo ang akyat na ito sa isang hiwalay na post. Pero upang ibuod ang kuwentong ito, hindi kami pinahintulutan ng mga elemento at panahon na marating ang taluktok. Ang inaasahang "sea of clouds" ay napalitan ng "ocean of pain and disappointment." Bilang mga baguhan sa pamumundok, sobrang dami naming natutunan sa akyat na ito. At ngayon, tinatawanan na lang namin ang mga nangyari sa dalawang araw na iyon ng Disyembre.
Dahil sa karanasang ito, mas lalo akong nanggigil at nauhaw sa mga taluktok ng bundok. Salamat na rin sa mga aral sa Pulag at tila nadagdagan ng ilang layer ang maturity ko bilang isang bagitong mountaineer.
Pagkatapos ng Pulag, sinimulang muli ng aming grupo na galugarin ang mas malalapit at mas madadaling bundok sa Calabarzon. Pebrero 22, 2015, narating namin ang taluktok ng Pico de Loro na bahagi ng Mt. Palay-palay sa Ternate, Cavite. Sa akyat na ito namin mas na-appreciate ang diwa ng tinatawag na 'dayhike' sa mundo ng mountaineering. Di tulad ng pagka-camp out sa isang bundok, mas madaling i-organize ang isang dayhike. Mas madali rin ang pag-akyat sapagkat mas kakaunti ang dala.
Nasundan pa ito ng sunod-sunod na dayhike sa Bulkang Taal, Malipunyo-Manabu traverse at Maculot (Rockies-Summit-Grotto traverse). Nangyari rin ang mga dayhike na ito sa apat na sunod-sunod na Linggo. Nakaaadik ang dayhike! Kamakailan, nag-organize ako ng dayhike sa Batulao at overnight sa Manabu Peak. Training climbs sana ang mga ito sa binalak na 'redemption climb' sa Pulag ngayong Mayo (na hindi rin maitutuloy). Kaya lang, naging invitational climbs ang mga ito upang hikayatin din ang mga interesado at nais magsimula sa pamumundok, at sa mga katulad namin na nais pang makarating sa mas marami pang mga taluktok.
Sa mga susunod na post ay nais kong ikuwento ang detalye ng mga akyat na ito. Kaya ko rin naisipang simulan ang blog na ito ay upang maibahagi sa mas marami ang mga kuwentong kabundukan. Gusto ko ring magpasalamat sa mga blog na sinasanggunian ko sa tuwing magpaplano para sa isang akyat lalong-lalo na sa Pinoymountaineer.com, Ivanlakwatsero.com, at Lagataw.com. Sana'y makasalubong ko po kayo sa ating mga kabundukan isang araw!
Sa ngayon, marami pang nakaplanong akyatin. Marami pang mga taluktok ang nais maabot! Kasabay noon, nais kong isigaw sa daigdig na natatangi ang kariktan ng mga kabundukan ng Filipinas. At dapat natin itong alagaan para sa mga susunod pa sa atin.
Sana sa pagtapak ng tao sa mga taluktok ng bundok, mas lumalim pa ang pagkaugnay niya sa kanyang paligid at sa kanyang sarili.
***
Heto ang ilan sa mga larawan ng mga bundok na narating ko na:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento