Lunes, Hunyo 8, 2015

Team Tagaktak sa Bundok Daguldol

 

Siyempre bago magpasukan at tuluyang matapos ang tag-init, dapat may huling hirit! 

Nitong nagdaang Sabado at Linggo, narating ko ang pansampung taluktok sa panlabing-isang bundok (hindi ko kasi narating ang taluktok ng Pulag dahil hanggang Camp 2 lang ang inabot). Panlabing-pitong akyat ko na rin ito at isa sa pinakamasaya dahil labingsiyam ang nakasama! Halos kalahati ay unang beses nakasama sa pag-akyat kaya maraming nakilala. Parami na nang parami ang nakakagat ng mountaineering bug! 

Sa akyat na ito, nagpalipas kami ng gabi sa isang marilag na bundok sa katimugang bahagi ng Batangas--ang Daguldol! Bahagi ang bundok na ito ng Lobo-San Juan Mountain Range kasama ng Naguiling na inakyat naman namin dalawang linggo lang ang nakararaan, noong Mayo 24. 

Sa Brgy. Hugom sa bayan ng San Juan ang jump-off point. Tabindagat lang kaya mainam na sidetrip ang paglulunoy sa dagat tuwing aakyat sa Daguldol. 

Umalis kami sa Lipa bandang 1000 at nakarating sa Brgy. Hugom tanghaling tapat. Umarkila kami ng jeep upang mas makamura sa pamasahe. Pagdating sa Brgy. Hugom, nagpatala muna kami sa HEGA (Hugom Environmental Guides Association). P35 ang registration fee. Dalawa ring guide ang kinailangan naming isama dahil ang ratio ng guide sa mountaineer ay 1:15. Pagdating namin sa Sitio Biga, nagtanghalian muna kami bago simulan ang akyat 1300.

Hindi naging madali ang simula ng akyat dahil sa alinsangan ng panahon. Tirik ang araw, walang mga ulap at sadyang mainit ang klima sa mga bundok na katabi ng dagat dahil sa hulab. Idagdag pa ang bigat ng aming mga bag. Dahil 3/9 lang ang difficulty rating ng bundok na ito, akala ko ay ayos lamang na mabigat ang dala. Nagdala kami ng mga pang-ihaw na karne at parilya at napalabis pa ang nadalang bigas. Kaya bawat limampung metro ng lakad, ngalngal agad sa trail!

Higit na naging mahirap ang simula ng akyat para kay Jai na unang beses namundok. Wala pang labinlimang minuto sa trail ay nagsasabi na siyang gusto nya nang bumalik sa jump-off at magpasundo na lamang. Tulong-tulong naman kami nina Manong Severino (guide), at ng kuya nyang si Floyd para palakasin ang loob ni Jai na ituloy ang akyat. Sinabi namin sa kanya na normal lang ang nararamdaman nya at kailangan nya lang maging matiyaga at magpatuloy nang ayon sa kaya nyang pacing. At syempre, ang pinakamainam na pangumbinsi--sulit ang tanawin sa taluktok ng bundok! 

Sa mga ganitong tagpo talaga nahahasa ang sweeper skills! Mabuti na rin dahil ako man ay nakapagpapahinga dahil hindi ganoong mabilis ang pacing. Lalong mahirap naman para kay Floyd dahil siya na rin ang nagdala ng lahat ng gamit ni Jai. #SiblingGoals #SweetKuya

Naalala ko naman ang mga magkapatid na nakasama ko na sa pag-akyat--sina Gibo at Gado, Gre at Nikka, at Layka at MacNeil. Lahat sila ay nagtutulungan paakyat. Samantalang ako, nung isinama ko ang nakababata kong kapatid na babae sa Rockies, pinagbuhat ko siya ng gamit bilang pagsubok. Mula noon, hindi na siya sumama!

Dahil hindi pare-pareho ang pacing, nahati ang grupo sa dalawa. Team Mabagal, led by me bilang sweeper, at Team Mabilis na pinangungunahan ni Gre at kasama ang masiglang "squad" na maraming "goals".

Pasalamat na rin ang Team Mabagal dahil kaming mga nasa huli ang mapalad na makakita ng dalawang kalaw (Philippine hornbill) sa isang mataas na puno sa kalagitnaan ng trail. Suryal ang pakiramdam na yun dahil ilang metro lang ang layo ng mga endemikong ibon sa amin. Kitang-kita namin ang kulay ng kanilang plumahe at tuka, at dinig na dinig namin ang natatangi nilang huni! Sa kasamaang palad, hindi namin nakunan ng retrato dahil wala sa grupo namin ang telephoto lens. Sinabi rin ni Kuya Severino na kumpara sa Bundok Naguiling, mas kaunti ang mga kalaw sa Daguldol. 

Salamat din sa malalamig na inumin! Tuwing umaakyat ako, nakaugalian ko nang punuin ng yelo ang dala kong Coleman water jug. Sobrang nakawawala kasi ng pagod ang malamig na tubig. Mas sumarap pa dahil sa init ng panahon. 

Nakatutuwa dahil may mga maliliit na pamayanan pa rin sa Daguldol. May mga tahanan at mga tindahan. Sa gitna ng trail, mayroong mga tindahan ng halo-halo, buko at iba pang pamatid uhaw at gutom. Sa isang tindahan, nakabili pa kami ng sampung pisong yelo na kung sa kapatagan bibilhin ay tatlong piso lamang. Sa tindahang ito rin kami pinatikim ng ginataang bayawak. Lasang manok ang karne nito at tila may maliliit na buto kapag nginuya. Masarap naman pero nanibago lang talaga ang aming panlasa. Sana lang din ay hindi endangered ang mga bayawak sa bundok na ito.

Pasado alas singko y medya ng hapon, narating ng Team Mabagal ang taluktok ng Daguldol! At tama kami, pawi ang pagod. "Worth it nga pala talaga," sambit ni Jai. Matapos magtayo ng mga tent ay photo op muna. Jump shot habang lumulubog ang araw!

 

Malawak na damuhan ang campsite ng Daguldol. Wari nami'y kasya ang higit isandaang campers dito. Matatanaw ang pamosong dalampasigan ng Laiya sa bandang Silangan, ang malawak na karagatan, at ang mga bundok ng Naguiling, Banoi, Maculot, Malipunyo at Banahaw-San Cristobal sa Kanluran. Maging ang Bundok Batulao ay sumisilip din sa may kalayuan. Lahat ng bundok na ito ay nababanaag sa ginintuang sinag ng dapithapon! Sulit na sulit talaga! Halos kapareho ng tanawin mula sa Balatikan campsite ng Naguiling. Yun nga lang, mas naging maganda ang karanasang ito dahil sa taimtim na liwanag ng dapithapon. 

Pagkagat ng dilim, inayos namin ang posisyon ng aming mga tent at kaagad naghanda para sa hapunan. #SquadGoals ang pagpapabaga sa mga uling. At dahil maliit na kaldero lamang ang nadala, dalawang beses kaming nagsaing. Masarap ang mag-ihaw sa itaas ng bundok pero napag-isip-isip namin na hindi nga ito praktikal dahil sa bigat ng dadalhin paakyat (timpladong karne, ihawan at uling). O hindi pa lang kami marunong ng tamang weight distribution? 

Gusto ko pa rin talagang magluto ng sinigang sa bundok! 

 

Pagkatapos ng hapunan, namahinga lang kami nang saglit at nag-ayos ng gamit. Dahil medyo naubusan na kami ng tubig, minabuti naming umigib sa kalapit na bukal, limang minuto ang layo sa campsite. Hindi lahat ay sumama sa pag-igib ng tubig dahil ang iba ay nagbantay sa campsite. Sinabihan din kasi kami ng mga guide na mag-ingat sa mga asong miyembro ng salisi gang doon sa campsite. Mababait naman ang mga asong ito ngunit may ugali silang salisihan ang mga campers at agawin ang kanilang pagkain. May mga pagkakataon pa nga raw na naninira sila ng tent kapag may naamoy na pagkain sa loob. Pinayuhan kami ng mga guide na isabit na lamang sa mga puno ang mga tirang pagkain.

Isa sa mga layunin namin tuwing aakyat ng bundok ay ang mag-astrophotography at kunan ang Milky Way mula sa taluktok. Naplano ko na sana ang gagawin ko sa Daguldol. Kukunan ko ang Milky Way bago sumikat ang waning gibbous moon. Kaso lang, nariyan na naman ang kontrabida sa astrophotography: makakapal na ulap. Sayang. Ang ganda pa naman ng Milky Way na nasa itaas lang ng guhitdagat! Nagpakita na si Antares, eh! Maghahating-gabi na, taklob pa rin ng ulap ang langit (salamat sa sumpa ni TJ) kaya napagpasyahan naming magpahinga na para sa bukangliwayway kinabukasan. 

                           

Sa akyat na ito, ayon sa Accuweather, ang forecast para sa Hunyo 6-7 ay thunderstorms; poor for hiking. Pero nung umaakyat na kami at sobrang init, kampante kaming hindi na uulan. Nagkamali kami.

Bandang alas dos ng madaling araw, bumuhos ang malakas na ulan kasama ang dumadagundong na mga kulog at nakapangingilabot na kidlat! Sa loob ng tent, animo'y may mga nagpipiktsur sa labas na sobrang lalakas ng gamit na flash! Gisingan kaming lahat. Unti-unti na rin daw pinapasok ng tubig ang karamihan sa mga tent. Yung tent kung saan ako nakahiga, sa kabutihang palad, ay hindi naman masyadong pinasok ng tubig. Yung tent ding yun ang sumalba sa amin sa bangungot sa Pulag noong nagdaang Disyembre! Buti na lang din at hindi gaya noong Pulag, naitayo namin ang tent sa isang magandang lugar na hindi gaanong dinaraanan ng tubig.

Sa akyat na ito, tatlo kami nina Gre at TJ na naranasan yung nagyeyelong kalbaryo sa Pulag. Kung hindi namin naranasan iyon, malamang ay nasindak at nag-panic kami sa malalakas na ulan, kulog at kidlat ng Daguldol. Ngunit hindi talaga namin maikumpara ang karanasan sa Daguldol sa Pulag! Walang-wala sa kalingkingan! 

Madaling-araw na nang tuluyang tumigil ang ulan. Ang planong gumising para sa bukangliwayway ay hindi na rin naituloy dahil makakapal pa rin ang ulap noong kumalat ang liwanag. Bumangon kami pasado 0700 na ng umaga. At kaagad na naging paksa ng aming kuwentuhan ang nagdaang ulan. "Kaya pala 'daguldol' ang tawag sa bundok na 'to! Dumadaguldol yung kulog!"


Plano rin sana naming akyatin ang Bilaran ng Limatik, na ayon kay Kuya Macario (isa pa naming guide) ay mas maganda raw ang tanawin kaysa sa taluktok ng Daguldol dahil isa raw iyong malaking tipak ng bato na nakatunghay sa malawak na karagatan. Ngunit dahil tinanghali na rin kami ng gising at batid naming madulas ang trail dahil sa bumuhos na ulan, napagpasyahang hindi na muna akyatin ang Bilaran.

Sa halip, naghanda na lang kami ng pagkain para sa almusal. Dumating din ang mga bukong binili namin sa isang residente roon. Sobrang tamis ng sabaw ng buko!

Nilibot din namin ang campsite at nakakita ng mga namumulang sapinit o Philippine wild raspberries! Ang sarap talaga ng mga ito. Mangasim-ngasim! 

Pero ang pinakamahalagang tagpo sa umagang ito, para sa akin, ay ang makita at makilala ang isang dambuhala na isa sa mga pinakamapanubok na bundok sa bansa -- ang Bundok Halcon. Nagpakita ang kalakhan nito sa bandang Timog-Kanluran, sa isla ng Mindoro. Kakaibang kaba at kilig ang naramdaman namin nina Gre at Floyd na nagsisimula pa lang mamundok. Para kaming hinahalina ng dambuhalang bundok na akyatin ang kanyang taluktok. Kabilang kami sa mga nagseseryosong bundukero na pinapangarap marating ang taluktok nito. Balang araw, Halcon. Balang araw. 


Mag-aalas diyes na nang simulan naming bumaba. Sa pagkakataong ito, mas magaan na ang mga nakasakbit na bag sa aming likuran. Nagulat din kami dahil hindi masyadong madulas ang trail. Tuyot na tuyot daw kasi ang lupa roon kaya balewala ang lakas ng ulan kagabi, sabi nina Kuya Severino. 

Wala pang kalahating oras ay narating namin ang kalagitnaan ng trail. Doon ay hinintay namin sina Jai at Peter. Natagalan sila kaya natagalan din ang aming pahinga. Pagdating nila sa tindahan kung saan kami naroroon, sinabi nilang nagtagal daw sila dun sa may ilog. 

Nang ituloy namin ang pagbaba, umuna na kami ni Gre sa grupo nina Szia, Floyd, Jai at Peter. Sinubukan naming habulin ang mga naunang kasamahan. Sa tantsa ko ay dalawampung minuto silang nauna sa amin. Kaya, tinakbo namin ni Gre ang kahabaan nung trail. Pagtigil namin, sobrang tagaktak ng pawis at ang sarap sa pakiramdam ng naghahabol ng hininga! Kakaiba rin talaga ang thrill ng trail running lalo't may bitbit na bag na may kabigatan.

Wala pang kalahating oras ay narating naman namin ang Naambon Falls. Ito talaga ang sidetrip namin. Pinuntahan na namin ito noong unang araw pa lang ngunit medyo mahina ang dumadaloy na tubig. Salamat na lang din sa ulan at bahagyang lumakas ang tubig sa talon. Lampas isang oras din kaming naglunoy rito. Samantala, umuna sa beach ang "squad". Mukhang mas trip nila ang dagat kaysa sa ilog at talon.



Pagkatapos sa Naambon, bumalik na kami sa jump-off point kung saan nagbabad naman sa dagat. Doon na rin kami naligo, nagbihis at kumain ng tanghalian habang hinihintay ang jeep.

Sobrang sulit talaga ng lakad na ito! Bundok, dagat, talon at ilog bago simulan ang isa na namang semestre at bumalik sa kaniya-kaniyang trabaho sa lungsod!

Maraming salamat muli sa mga nakasama! Gre, Floyd, TJ, Margie, Jai, Claudine, Vanesa, Bryan, Arnold, Jules, Bernard, Josef, Rafael, Szia, Vigie, Erik, Peter at Fidem! Sa uulitin! 

                         

Tanaw mula sa Bundok Daguldol