Linggo, Hulyo 5, 2015

Bangungot sa Bundok Pulag


Retrato ni Derik Cumagun

Ngayong araw, aakyat dapat kami sa Bundok Malipunyo sa Batangas. Kaso, paggising namin, malakas at pabugso-bugso ang buhos ng ulan dulot ng Habagat na hinihila naman ng Bagyong Egay. Kaya naman napagpasyahan na ng grupo na huwag na muna ituloy ang day hike. Mahirap na kasi. Safety muna bago Summit.

Naalala ko naman ang mala-bangungot na karanasan sa Bundok Pulag noong Disyembre ng nagdaang taon. Inulan kami sa Camp 2 at iyon ang naging pinakamahabang gabi ng buhay ko!

Nang pinlano namin ang akyat sa Pulag, sinunod namin yung tipikal na 2D1N itinerary sa Ambangeg trail. Baguhang bundukero pa lang kaming lahat nung mga panahon na yun. Gusto lang naming akyatin ang Pulag sa pinakamadali nitong trail at makita ang pamosong "sea of clouds" na matatanaw mula sa taluktok ng ikatlo sa pinakamataas na bundok sa bansa.

Kaso, ito na yung pinakamatinding biro ng kalikasan sa amin. Ibang-iba ang aming mga ekspektasyon sa realidad na natikman.

Ang plano, pagdating namin sa Camp 2, doon kami magtatayo ng mga tent at magpapalipas ng gabi para sa summit assault madaling araw kinabukasan. Naging maayos naman ang aming simula ng aming akyat. Maulap pero kampante kaming aaliwalas din ang panahon. Hindi pa rin gaanong masakit sa balat ang lamig ng temperatura habang nasa Ambangeg trail.

Pagdating namin ng Camp 2 bandang 1700 ng hapon, mahina pa ang ulan pero kulay puti na ang paligid. Hindi na namin makita ang langit. Apat na tent ang itinayo namin at nagpahinga muna kami habang hinihintay ang pagganda ng panahon.

Pero sa halip na sa paganda ay naging masungit pa ang langit sa amin. Pagkagat ng dilim, mas lalong lumakas ang ulan. Ang ilan sa amin (kasama ako) ay sinaktan na rin ng ulo. Suspetsa namin ay bunsod ito ng matinding lamig at altitude sickness. Hindi rin kami kaagad nakapaghanda o nakapagluto ng hapunan sapagkat maulan sa labas.

Nanatili kami sa loob ng mga tent ngunit kalaunan, nang lumakas pa ang ulan at hangin, pinasok na ng nagyeyelong tubig ang tatlo sa apat na tent. At simula pa lamang ito ng napakahabang gabi sa Pulag!

Napagtanto naming mali ang tinayuan namin ng tent dahil daanan pala iyon ng tubig. Wala kasi kaming nagawa dahil pagdating namin sa Camp 2 ay marami nang nakapagtayo ng tent sa mga magandang lokasyon.

Isinuot na namin lahat ng baong panlamig ngunit tagos hanggang buto pa rin ang ginaw. Lampas tatlong patong na ng damit ang suot namin pero wala pa rin! Hanggang sa nabasa na rin ang mga sleeping bag na panlatag namin sa tent. Dahil dito, hindi na rin kami makatulog. Mas lalo ring sumakit ang ulo ng ilan sa amin!

Sobrang tagal lumipas ng oras! Bawat check namin sa oras eh minuto lang ang lumilipas. Wala kaming magawa. Dumating na sa puntong kung ano-ano na ang sinasabi namin habang natatawa na lang sa kalunos-lunos naming kalagayan. Batid naming nasa bingit na kami ng hypothermia nung mga sandaling iyon.

Nang hindi ko na kinaya ang lamig, lumipat na ako dun sa isang tent na medyo maganda ang puwesto at tuyo pa sa loob. Apat na ang nandun sa loob ng tent pero tatlo pa kaming dumagdag doon. Masakit pa rin ang ulo ko kaya hindi gaanong nakatulog. Sa gilid din ako ng tent nakapuwesto at nababasa ring bahagya ang bahaging yun. Sobrang lamig talaga ng tubig!

Samantala, sina Sir Derik, Ate Layka, Girlie, Gibo at TJ ay sumama sa aming guide patungo sa ranger station. Kuwento nila, may bonfire daw roon ang mga guide at yung mga campers na hindi na kinakaya ang lamig sa mga tent ay doon dinadala.

Nang malapit nang sumikat ang araw, nawalan na rin kami ng pag-asang gaganda pa ang panahon. Kumalat na ang liwanag at napagpasyahang hindi na mag-summit assault dahil sa sama ng panahon. Maulan pa rin at malakas ang hangin. At gustong-gusto na naming bumaba!

Halos lahat ng gamit namin, nabasa. Yung mga DSLR, cellphone at iba pang gadget na dala namin ay nag-moist na rin. Ang planong astrophotography at Milky Way shots, nawala nang lahat! Wala na kaming pakialam! Gusto na naming umuwi! Ang sakit-sakit na sa balat at sa ilong ng lamig! Hindi na halos namin maramdaman ang mga daliri namin!

At dahil basang-basa na ang mga gamit namin, pahirapan din sa pag-eempake. Yung iba sa amin, kumuha na ng serbisyo ng porter para mas madali ang pagbitbit. Hanggang sa pagbaba namin, hindi pa rin tumitila ang ulan!

Habang palapit kami nang palapit sa Babadac ranger station, paganda rin nang paganda ang panahon. Nakaloloko talaga ang panahon!

Pero pagbalik namin sa ibaba, napagpasyahan na lang naming magliwaliw at sulitin ang nalalabing oras sa Baguio.

Dahil sa karanasang ito sa Pulag, napakarami naming napagtanto bilang mga batang bundukero. Napakaraming aral ang napulot! Respeto sa bundok. Huwag na huwag mamaliitin ang bundok, Palaging paghandaan ang mga posibleng mangyari. Higit sa lahat, anuman ang mangyari, masama man ang panahon, huwag na huwag tumigil sa paghahanap ng mga dahilan para gumaan at sumaya ang sitwasyon. Kaya salamat, Bundok Pulag!

Kamakailan, inulan din kami nang matindi sa taluktok ng Bundok Daguldol. Dumagundong ang malalakas na kulog at kidlat sa campsite. Pero salamat sa karanasan sa Pulag. Hindi kami nag-panic sa sitwasyong dahil walang-wala pa yun sa kalingkingan ng pagkalamig na bangungot sa Pulag!





(To be updated with photos and video clips...)











Biyernes, Hulyo 3, 2015

TEAM TAGAKTAK sa BUNDOK GULUGOD-BABOY!


Panoramic shot mula sa taluktok ng Gulugod-Baboy.

May pag-aalinlangan habang inoorganize ko ang akyat na ito sa Gulugod-Baboy. Lumabas kasi ang balitang tag-ulan na mula mismo sa Pag-asa.

Naranasan ko nang umakyat sa bundok nang naulan at hindi masaya. Wala kang makikia kundi mga ulap at ang maputik na daan. Madulas ang trail at siyempre, mas mahirap.

Pero buti na lang, hindi kami inulan sa Gulugod-Baboy! Perpekto ang panahon kaya pagkaraming tanawin ang namalas namin mula sa tuktok! Nakisama talaga ang panahon sa akyat na ito. Panlabing-dalawang bundok ko na ito sa panlabing-walong akyat.

Pinakamalaki rin ang grupong ito sa bilang na 22. Dinaig ang 19 sumama noong Hunyo 6-7 sa Bundok Daguldol. Palaki na talaga nang palaki ang Team Tagaktak! Nakatutuwang balikan ang mga panahong bahagya na kaming makahagilap ng makakasamang mamundok!

Kampante rin akong mag-imbita ng marami sa akyat na ito. 2/9 lang naman kasi ang difficulty rating ng Gulugod-Baboy, ayon sa mga Philippine mountaneering blogs. Mainam para sa mga nagsisimula pa lamang. Anim sa nakasama namin ang unang beses mamundok.

Gayunman, kahit 2/9 o relatively easy ang rating ng isang bundok, humihirap ito kung mabigat ang dala mo. Ganito ang nangyari sa amin sa Daguldol. Sobrang dami naming dala dahil nagplano kaming mag-ihaw. Napalabis ang dalang bigas (7 kilo), tapos may dala pang tinimplahang karne ng baboy at manok, pati talong at mga pang-ihaw. Kaya kahit 3/9 lang ang Daguldol, ngalngal pa rin kami.

Kaya sa akyat na ito, minabuti naming hindi na magluto at magdala na lamang ng mga binalot na pagkain. Para mas magaan ang mga sakbit na bag. Sa kaso ko, medyo may kabigatan pa rin ang dala dahil sa tent at sa kamera. Tuwing umaakyat kasi ako sa bundok, nakaugalian ko nang magdala ng kamera at dalawa o tatlong lente para kunan ng retrato ang mga tanawin sa bundok. Kalimitan, may dala rin akong tripod para sa long exposure at astrophotography.

Dagdag din sa mga nagpahirap sa pag-akyat namin ay ang matinding init sa Gulugod-Baboy. Halos kapareho ito ng Daguldol at Naguiling. Ganito kasi talaga ang mga bundok na nasa tabi ng dagat dahil sa maalinsangang hulab. Ito rin ang dahilan kaya bandang 1500 o alas tres ng hapon na namin sinimulan ang akyat.

Nahati sa dalawa ang grupo--Team Mabagal at Team Mabilis. Wala pang dalawang oras ay narating na agad ng Team Mabilis ang taluktok. Samantalang kami sa Team Mabagal ay inabot ng nasa dalawa't kalahati dahil na rin sa dami at tagal ng mga stopover. Marami kasing stopover dun sa bundok. At katulad ng sa Daguldol, may mga kabahayan pa rin sa gitna ng trail.

Pagdating namin sa tuktok, nagulat kami dahil may nakita kaming sasakyan! May nakita akong Toyota Fortuner at isang motorsiklo doon mismo sa Peak 3! Yun pala, accessible na sa mga sasakyan ang bundok mula sa Silangang bahagi ng Mabini peninsula! Pero ayos lang. Walang thrill at hindi sana namin naramdaman ang essence ng pamumundok kung dun kami dumaan.

Sa taluktok ng Gulugod-Baboy matatagpuan ang isa sa mga pinaka-rewarding na tanawin sa lahat! Kung maaliwalas ang panahon, kitang-kita ang kabuuan ng Mabini peninsula. At dahil masuwerte kami, naabutan namin ang ginintuang araw na lumulubog sa tabi ng Look ng Balayan! Sobrang ganda ng pagsabog ng mga kulay! Paglubog ng araw, malapanaginip lalo ang tanawin. Sa Silangan, matatanaw ang iba't ibang tingkad at hue ng bughaw ang mababanaag. Pagharap mo naman sa Kanluran, mga maiinit na kulay ng pula, dilaw at kahel ang masisilayan. Napakaganda! Parang isang dambuhalang paleta ng isang pintor ang buong kalangitan! May bonus pang bahaghari doon sa taluktok!

Jump shot!

Bahaghari sa taluktok!


Kasabay namin ang dalawa pang grupo ng mga mountaineer. Napagpasyahan namin na sa gitnang peak (Peak 2 yata iyon) magtayo ng mga tent dahil pinakamaganda ang tanawin doon sa aming palagay. Tatlo kasi ang peak ng Gulugod-Baboy. Yung isang grupo, piniling magtayo ng campsite dun sa pinakamataas na tuktok samantalang yung isa namang grupo ay doon sa mas mababang bahagi.

Habang inaabangan ang paglubog ng araw.


Pagsapit ng dilim, inihanda na amin ang hapunan at kami'y nagsalusalo. Pinaghatian at binahagian ang mga kasamahang nakaligtaan daw magdala ng pagkain. Para-paraan!

Matapos ang masarap na kainan ay nangahoy ang ilan naming kasamahan para mag-bonfire. May dala rin kasing marshmallow, graham crackers at barbecue sticks ang ilan sa amin kaya s'mores ang naging panghimagas. Dito na rin nagkakuwentuhan at nagkatawanan dahil sa mabentang pagpapatawa ni Boyet. Si Boyet ay isa sa mga unang miyembro ng Team Tagaktak na matagal-tagal ding hindi nakasama sa mga lakad.

Ilan sa mga napag-usapan ay ang mga bituin at mga maningning na bagay sa kalangitan. Sinabi ko sa kanila na isa sa mga photography goals ko sa akyat na ito ay kunan ang Milky Way. Kaso, alas dos pa ng madaling araw lulubog ang waxing gibbous moon. Mainip-inip kami sa paghihintay, eh. Pero ayos na rin. Nakakuha rin ako ng ilang moonlit shots ng Gulugod-Baboy.

Moonlit Gulugod-Baboy


Ilang ulit din kaming pinakaba ng mga makakapal na ulap. Nung sa Daguldol kasi, hindi kami pinagbigyan ng panahon para makapag-astrophotography. Mabuti na lang talaga at pagsapit ng alas dos, maaliwalas ang bahagi ng langit kung saan makikita ang tinatawag na Milky Way cloud. Sulit na sulit ang pagpupuyat!

Ayun!

Ayos na ayos! Sorry sa mga tulog na, wala kayong garne! Haha


Dahil dito, pasado alas 3 ng umaga na ako nakatulog. Kaya hindi rin ako nagising nang maaga para sa bukangliwayway. Maganda rin daw ang pagsikat ng araw, sabi noong mga nakakita. Pagbangon ko at paglabas sa tent, nababalot ang campsite sa mapuputing ulap kaya medyo presko sa pakiramdam. Nag-almusal na rin kami at nag-ayos na ng mga gamit.

Habang nag-aayos ng mga gamit, may isang matandang lalaking lumapit sa amin. Nasa edad pitumpu na yata itong si Mamay. Binati naman namin siya nang maayos ngunit kalaunan ay nalaman na namin ang kanyang tunay na pakay. Pilit nya kaming hinihingan ng P20 bilang kabayaran daw sa pagtatayo ng camp sa isang bahagi ng kanyang lupain. Siyempre, hindi naman kami pumayag sa panghoholdap na ito. Buti na lang, naalala ko yung papel na resibo na iniabot sa amin sa registration area sa ibaba. Naalala kong sinabi nga pala nung babaeng nag-abot sa akin nung papel na, "Ipakita n'yo lang po 'yan kapag may nagtanong sa inyo sa itaas." At marahil, ito ang kanyang ibig sabihin.

Naging makulit ang matandang lalaki at pinipilit kaming pagbayarin. Nagpakilala siyang Francisco at pamangkin niya raw ang mga konsehal at kapitan doon sa ibaba. Ipinaliwanag ko naman na hindi kami basta-basta magbibigay dahil nakapagbayad na kami sa registration doon sa ibaba. Sinabi ko na lang na kakausapin muna namin yung mga tao sa registration area bago siya bigyan. Pero siyempre, palusot lang yun. Wala talaga kaming balak bigyan si tatang. Ang sama kasi ng dating sa amin ng aksyon niya. Tila ba ang tingin niya sa mga mountaineer ay mga taong huhuthutan niya ng pera. Nakakainis lang.

Pero buti na rin at nangyari ito. Kahit papaano ay nahasa ang aking negotiation skills at pakikipag-argumento. Natakot lang din ako nang bahagya dahil may nakasakbit na itak sa baywang ni lolo. Kaya peaceful at defensive ang approach ko kay Manong Francisco.

Kaya sa mga aakyat sa Gulugod-Baboy, itago nyo yung papel/resibo na ibibigay sa inyo sa registration area. Huwag din kayong basta-basta papayag sa mga naniningil. Kuwestyonin nyong palagi ang kanilang authority at wag papasindak. Namimihasa ang mga gahaman, eh. Tsk, tsk. Pero siyempre, dapat relax pa rin kayo. Cool lang dapat at mahinahon dahil after all, ikaw pa rin ang dayuhan doon sa lugar. Maging diplomatiko hangga't maaari.

Bago bumaba sa bundok ay siniguro naming wala kaming iiwang kalat. Ito kasi ang isang bagay na nakadidismaya sa Gulugod-Baboy at sa ilan pang bundok na malimit puntahan ng maraming tao. Padami rin nang padami ang mga basura. Patindi rin nang patindi ang pagkawasak ng lugar dahil sa ilang mga iresponsableng gawain. Sana naman ay matugunan ito ng lokal na pamahalaan. At sa mga namumundok, huwag namang samlang!

Groupie!

Tsk, tsk, tsk.


Naging matiwasay naman ang aming pagbaba, maliban na lang sa pagkasuklo ni Jas. Nadulas kasi siya sa isang laglag na mangga. Kung kailan malapit na kami sa ibaba. Mabuti na lamang at hindi masyadong malala ang suklo niya.

Pagdating namin sa ibaba, siyempre, diretso kami sa dagat! Dun na rin kami kumain ng tanghalian malapit sa registration area. Sulit na sulit ang lakad na ito!

Maraming salamat sa mga nakasama! Jas, Gre, Czarina, Ima, Joseph, Claudine, Margie, Jill, Jayjay, Erik, Jules, Arnold, Jenskie, Boyet, Lester, Gibo, Gado, TJ, Cloie, Vanessa at Dudot!


Sa Philpan Dive Resort