Biyernes, Nobyembre 27, 2015

TAKYAT MANABU I

Larawan ni Jep Litan


Apat na taon ko nang inaakyat itong Manabu Peak ng Malipunyo. Para maiba naman, nag-organize ako ng TAKYAT, o takbo at akyat. Ang plano: pitong kilometrong takbo mula sa kanto ng Lipa-Alaminos Road J.P. Laurel Highway, hanggang sa jump-off point ng Manabu sa may Brgy. Sta. Cruz, Sto. Tomas, Batangas. Tapos, limang kilometrong panhik-panaog sa bundok.

Labingpito kami sa unang takyat na ito. May kasama rin kaming isang puting tutang Husky, si Scotch! Pagkatapos ng akyat, mukha na siyang bulak na ipinahid sa maruming mukha! Haha. Pero ang sayang kasama ni Scotch! Game na game sa akyatan at sa paghabol ng mga walang kamalay-malay na manok sa Station 1!

Alas sais y media na nang simulan namin ang takbo. At gaya ng inaasahan, magkakaiba kami ng pace. Ang ilan ay sumakay na sa tricycle papuntang jump-off point. Pagdating namin sa Brgy. Sta. Cruz, nagpatala muna kami at nagbayad ng P20 bawat isa.

Pasado alas otso ng umaga na kami nagsimulang umakyat. Nagtagal din sa Station 1 dahil sa buko break. Natuwa rin ako dahil wala na roon yung nakakulong na unggoy at yung mga ibong bato-bato. Ibinenta na raw, sabi ni Manong.

Bandang alas nuwebe y medya naman namin narating ang kubo ni Mang Pirying/Tatay Tino. May mga mountaineer na pababa na sa bundok ang doo'y namamahinga. At kung dati, libreng kapeng barako lang ang handog doon, mayroon na ring malinamnam na lumpiang gulay! Iyon na ang nagsilbing agahan ko.

Nagulat din ako dahil may kulay na yung pamosong "anito" sa kubo ni Mang Pirying. Kulay pula na siya! Tuwing napapadaan ang mga bundukero sa kubong ito, hindi maiwasan ang lokohan tuwing makikita ang bantog na anito. Kayo na ang bahalang umalam kung bakit! Haha

Nakalulungkot lang at mayroong mga Luzon bleeding-heart na naka-hawla kina Mang Pirying. Mas maganda sana kung makikita natin ang mga hayop na ito na malaya sa kagubatan. Nakadidismaya rin ang dami ng basura sa lugar ni Mang Pirying. Maging yung mga bundukerong walang pakundangang naninigarilyo.

Narating namin ang Manabu pasado alas dyis na ng umaga. Bagaman overcast, buti na lang at may clearing. Nakita namin ang bayan ng Lipa. Nakatulong din ang matatas na ulap dahil hindi gaanong mainit noong nasa kabundukan kami.

Alinsunod sa napagplanuhan, nagsimula kaming bumaba alas dyes y media. Sa may grotto na kami dumaan. Nang marating namin ang maliit na creek, nagbabad na rin nang bahagya sa malamig na tubig.

Bahagya naman kaming nahuli sa aming itinerary dahil nag-enjoy sa kabundukan ang Team Sweeper! Haha

Pagkababa sa may jump-off point, doon na rin kami nananghalian. Sarap!

Solid ang takyat na ito! Masayang umakyat nang walang bitbit na bag. Swabe rin dahil mabilis, mura at madaling i-organize. Kaya naman hindi ito ang magiging huling Takyat Manabu ng Team Tagaktak!



Ang Ruta

Larawan ni Jep Litan



Larawan ni Jep Litan

Lunes, Nobyembre 23, 2015

Buti na lang may Sembreak!

Matagal ding hindi nakapagsulat dini!

Naging abala sa mapanubok na semestreng nagdaan. Nawalan ng oras sa pamumundok at paggala. Lampas dalawang buwan ding walang akyat. Kaya nitong nagdaang sembreak, tatlong bundok ang inakyat! Nagtungo rin sa Sagada, nagbisikleta sa mga kalsada sa Batangas, nakatakbo, nakapagbasketball, at nakapag-beachineering sa Burot!

Ang ikli ng tatlong linggo!

Oktubre 17 ng madaling araw, natapos ang semestre nang maipasa ko ang huling requirement sa isang subject. Walang tulog pero diretso na sa CoLawRun pagtilaok ng mga tandang alas kuwatro ng umaga. Tumakbo at nag-photo coverage. Tapos, diretso naman sa Batangas para tagpuin ang isang kliyenteng para sa isang corporate video. Noong hapon naman hanggang gabi, nanood ng maiikling pelikula sa Cineberde VII! Mahabang araw pero masaya!

Tatlong araw akong bumawi ng tulog, kumain at nagpakasasa sa sarap ng mga araw na walang kailangang gawin. Walang tsetsekang papel, walang kailangang pasukang klase, kuning exam o ipasang requirement!

Oktubre 21, sa wakas! Malipunyo Traverse kasama ang Team Tagaktak. Pito lang kaming umakyat pero sulit na sulit pa rin! Pagod na pagod pagkatapos ng traverse ngunit lalo pa kaming pinakilig ni Malipunyo dahil may mga natuklasan kaming mga sikreto sa bundok na ito. Napakarami pa rin pala naming trails na susuungin sa aming home mountain! At siyempre, hindi kami magsasawang balikan ang mga talon nito kung saan pagkalamig ng tubig!

Oktubre 23 naman, naging tagapagsalita ako sa isang maliit na palihan tungkol sa pelikula. Pagkatapos nito, diretso naman sa isang mahabang biyahe patungong Banaue at Sagada kasama si Jas. Hanggang 27 na kami sa payak at marilag na bayan sa piling ng mga kabundukan. Nagtungo sa mga kuweba ng Sumaguing at Lumiang, nag-food trip, at siyempre, hindi na pinalampas ang pag-akyat sa katabing bundok ng Ampacao. 2/9 lang ang difficulty rating kaya hindi na nagdalawang isip na umakyat!

Pagkauwi sa Lipa noong 28, bisikleta naman! Ang naunang plano na morning chill ride papuntang Taal ay nauuwi sa mapangahas na Mabini Loop metric century ride! Durog ang tuhod at pride namin ni Cumagun! Kisig all the way sa scenic ngunit killer roads ng bayan ng Mabini.

Kinabukasan naman, dayhike sa Pico de Loro sa Ternate, Cavite kasama ang 21 iba pang bundukero. Napagbigyan ng magandang tanawin at ligtas sa aberyang biyahe at akyat. Sulit na sulit din ang pagbalik namin para sa monolith. Hindi namin ito naakyat nung una kaming pumunta dahil maraming tao noon; mahaba ang pila at kailangan naming sundin ang striktong itinerary dahil kailangang tumalima sa schedule ng public transpo.

Sa loob ng walong araw, tatlong bundok ang naakyat! Binalak pa sanang mag-twin dayhike sa Nagpatong at Bangkalan sa Lobo nung 31 kaso paggising ko nung 30, umalma na ang katawan. Lagnat, ubo, sipon. Pahinga naman daw. Kaya ayun. Tengga ulit sa bahat nang tatlong araw.

Nobyembre 2, balik sa aksyon! Padyak sa Balete, sa may Lawa ng Taal. Hinabol namin ang lumulubog na araw. Biking capital ang lugar na ito. Puro lusong papuntang lawa. Puro ahon pabalik. Kaya naman ngalngal ako nung pauwi na sa Lipa. Halos sampung beses yata akong bumaba sa bisikleta at nagtulak! Nahabol pa ng aso!

Kinabukasan, Nobyembre 3, tumakbo naman nang 9.3 km sa parehong ruta. Pero pababa lamang. Mahirap din. Iba ang hirap ng pagtakbo palusong. Mabigat sa paa. Kinabukasan, umangal na naman ang katawan. Sobrang sakit ng mga kasukasuan, lalo na ang kaliwang paa. Kaya nagpahinga na lang buong araw at kumain.

Nobyembre 5, food trip sa Binondo. Hindi sumipot ang ibang niyaya kaya double date ang nangyari! Nakalimang kainan. Dong BeiSincerityYingyingEstero at Wai Ying. Lungange pagkatapos. Pero masarap! At busog! Busog na busog! Pagkain talaga ang salarin kung bakit kahit gaano ka-aktibo ang lifestyle ko nitong mga nagdaang linggo eh hindi pa rin ako mamayat-mayat!

Nobyembre 6, patapos na ang sembreak. Enrollment na naman sa law school. Haaayz.

Nobyembre 7-8, huling weekend na kaagad! Ang bilis! Kaya huling hirit na rin bago magpasukan. Sa halip na mamundok, nag-beachineering naman! Burot Beach sa Calatagan! Sobrang naging perpekto ang overnight na ito. Pinagbigyan kami ng langit at ng kalikasan! Swabeng-swabeng paglubog ng araw, walang ulap buong gabi, malinamnam na inihaw ang hapunan, sobrang daming maliliwanag at mahahabang bulalakaw buong magdamag, Milky Way nung maaga-aga pa, winter constellations nung gabi, planetary at lunar conjunction at alignment nung madaling araw! Suryal! Malapanaginip! Nung umaga, maikli man, masaya pa rin ang langoy sa karagatang puno ng mga yamangdagat! Sulit na sulit ang huling hirit!