Biyernes, Nobyembre 27, 2015

TAKYAT MANABU I

Larawan ni Jep Litan


Apat na taon ko nang inaakyat itong Manabu Peak ng Malipunyo. Para maiba naman, nag-organize ako ng TAKYAT, o takbo at akyat. Ang plano: pitong kilometrong takbo mula sa kanto ng Lipa-Alaminos Road J.P. Laurel Highway, hanggang sa jump-off point ng Manabu sa may Brgy. Sta. Cruz, Sto. Tomas, Batangas. Tapos, limang kilometrong panhik-panaog sa bundok.

Labingpito kami sa unang takyat na ito. May kasama rin kaming isang puting tutang Husky, si Scotch! Pagkatapos ng akyat, mukha na siyang bulak na ipinahid sa maruming mukha! Haha. Pero ang sayang kasama ni Scotch! Game na game sa akyatan at sa paghabol ng mga walang kamalay-malay na manok sa Station 1!

Alas sais y media na nang simulan namin ang takbo. At gaya ng inaasahan, magkakaiba kami ng pace. Ang ilan ay sumakay na sa tricycle papuntang jump-off point. Pagdating namin sa Brgy. Sta. Cruz, nagpatala muna kami at nagbayad ng P20 bawat isa.

Pasado alas otso ng umaga na kami nagsimulang umakyat. Nagtagal din sa Station 1 dahil sa buko break. Natuwa rin ako dahil wala na roon yung nakakulong na unggoy at yung mga ibong bato-bato. Ibinenta na raw, sabi ni Manong.

Bandang alas nuwebe y medya naman namin narating ang kubo ni Mang Pirying/Tatay Tino. May mga mountaineer na pababa na sa bundok ang doo'y namamahinga. At kung dati, libreng kapeng barako lang ang handog doon, mayroon na ring malinamnam na lumpiang gulay! Iyon na ang nagsilbing agahan ko.

Nagulat din ako dahil may kulay na yung pamosong "anito" sa kubo ni Mang Pirying. Kulay pula na siya! Tuwing napapadaan ang mga bundukero sa kubong ito, hindi maiwasan ang lokohan tuwing makikita ang bantog na anito. Kayo na ang bahalang umalam kung bakit! Haha

Nakalulungkot lang at mayroong mga Luzon bleeding-heart na naka-hawla kina Mang Pirying. Mas maganda sana kung makikita natin ang mga hayop na ito na malaya sa kagubatan. Nakadidismaya rin ang dami ng basura sa lugar ni Mang Pirying. Maging yung mga bundukerong walang pakundangang naninigarilyo.

Narating namin ang Manabu pasado alas dyis na ng umaga. Bagaman overcast, buti na lang at may clearing. Nakita namin ang bayan ng Lipa. Nakatulong din ang matatas na ulap dahil hindi gaanong mainit noong nasa kabundukan kami.

Alinsunod sa napagplanuhan, nagsimula kaming bumaba alas dyes y media. Sa may grotto na kami dumaan. Nang marating namin ang maliit na creek, nagbabad na rin nang bahagya sa malamig na tubig.

Bahagya naman kaming nahuli sa aming itinerary dahil nag-enjoy sa kabundukan ang Team Sweeper! Haha

Pagkababa sa may jump-off point, doon na rin kami nananghalian. Sarap!

Solid ang takyat na ito! Masayang umakyat nang walang bitbit na bag. Swabe rin dahil mabilis, mura at madaling i-organize. Kaya naman hindi ito ang magiging huling Takyat Manabu ng Team Tagaktak!



Ang Ruta

Larawan ni Jep Litan



Larawan ni Jep Litan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento