Biyernes, Nobyembre 27, 2015

TAKYAT MANABU I

Larawan ni Jep Litan


Apat na taon ko nang inaakyat itong Manabu Peak ng Malipunyo. Para maiba naman, nag-organize ako ng TAKYAT, o takbo at akyat. Ang plano: pitong kilometrong takbo mula sa kanto ng Lipa-Alaminos Road J.P. Laurel Highway, hanggang sa jump-off point ng Manabu sa may Brgy. Sta. Cruz, Sto. Tomas, Batangas. Tapos, limang kilometrong panhik-panaog sa bundok.

Labingpito kami sa unang takyat na ito. May kasama rin kaming isang puting tutang Husky, si Scotch! Pagkatapos ng akyat, mukha na siyang bulak na ipinahid sa maruming mukha! Haha. Pero ang sayang kasama ni Scotch! Game na game sa akyatan at sa paghabol ng mga walang kamalay-malay na manok sa Station 1!

Alas sais y media na nang simulan namin ang takbo. At gaya ng inaasahan, magkakaiba kami ng pace. Ang ilan ay sumakay na sa tricycle papuntang jump-off point. Pagdating namin sa Brgy. Sta. Cruz, nagpatala muna kami at nagbayad ng P20 bawat isa.

Pasado alas otso ng umaga na kami nagsimulang umakyat. Nagtagal din sa Station 1 dahil sa buko break. Natuwa rin ako dahil wala na roon yung nakakulong na unggoy at yung mga ibong bato-bato. Ibinenta na raw, sabi ni Manong.

Bandang alas nuwebe y medya naman namin narating ang kubo ni Mang Pirying/Tatay Tino. May mga mountaineer na pababa na sa bundok ang doo'y namamahinga. At kung dati, libreng kapeng barako lang ang handog doon, mayroon na ring malinamnam na lumpiang gulay! Iyon na ang nagsilbing agahan ko.

Nagulat din ako dahil may kulay na yung pamosong "anito" sa kubo ni Mang Pirying. Kulay pula na siya! Tuwing napapadaan ang mga bundukero sa kubong ito, hindi maiwasan ang lokohan tuwing makikita ang bantog na anito. Kayo na ang bahalang umalam kung bakit! Haha

Nakalulungkot lang at mayroong mga Luzon bleeding-heart na naka-hawla kina Mang Pirying. Mas maganda sana kung makikita natin ang mga hayop na ito na malaya sa kagubatan. Nakadidismaya rin ang dami ng basura sa lugar ni Mang Pirying. Maging yung mga bundukerong walang pakundangang naninigarilyo.

Narating namin ang Manabu pasado alas dyis na ng umaga. Bagaman overcast, buti na lang at may clearing. Nakita namin ang bayan ng Lipa. Nakatulong din ang matatas na ulap dahil hindi gaanong mainit noong nasa kabundukan kami.

Alinsunod sa napagplanuhan, nagsimula kaming bumaba alas dyes y media. Sa may grotto na kami dumaan. Nang marating namin ang maliit na creek, nagbabad na rin nang bahagya sa malamig na tubig.

Bahagya naman kaming nahuli sa aming itinerary dahil nag-enjoy sa kabundukan ang Team Sweeper! Haha

Pagkababa sa may jump-off point, doon na rin kami nananghalian. Sarap!

Solid ang takyat na ito! Masayang umakyat nang walang bitbit na bag. Swabe rin dahil mabilis, mura at madaling i-organize. Kaya naman hindi ito ang magiging huling Takyat Manabu ng Team Tagaktak!



Ang Ruta

Larawan ni Jep Litan



Larawan ni Jep Litan

Lunes, Nobyembre 23, 2015

Buti na lang may Sembreak!

Matagal ding hindi nakapagsulat dini!

Naging abala sa mapanubok na semestreng nagdaan. Nawalan ng oras sa pamumundok at paggala. Lampas dalawang buwan ding walang akyat. Kaya nitong nagdaang sembreak, tatlong bundok ang inakyat! Nagtungo rin sa Sagada, nagbisikleta sa mga kalsada sa Batangas, nakatakbo, nakapagbasketball, at nakapag-beachineering sa Burot!

Ang ikli ng tatlong linggo!

Oktubre 17 ng madaling araw, natapos ang semestre nang maipasa ko ang huling requirement sa isang subject. Walang tulog pero diretso na sa CoLawRun pagtilaok ng mga tandang alas kuwatro ng umaga. Tumakbo at nag-photo coverage. Tapos, diretso naman sa Batangas para tagpuin ang isang kliyenteng para sa isang corporate video. Noong hapon naman hanggang gabi, nanood ng maiikling pelikula sa Cineberde VII! Mahabang araw pero masaya!

Tatlong araw akong bumawi ng tulog, kumain at nagpakasasa sa sarap ng mga araw na walang kailangang gawin. Walang tsetsekang papel, walang kailangang pasukang klase, kuning exam o ipasang requirement!

Oktubre 21, sa wakas! Malipunyo Traverse kasama ang Team Tagaktak. Pito lang kaming umakyat pero sulit na sulit pa rin! Pagod na pagod pagkatapos ng traverse ngunit lalo pa kaming pinakilig ni Malipunyo dahil may mga natuklasan kaming mga sikreto sa bundok na ito. Napakarami pa rin pala naming trails na susuungin sa aming home mountain! At siyempre, hindi kami magsasawang balikan ang mga talon nito kung saan pagkalamig ng tubig!

Oktubre 23 naman, naging tagapagsalita ako sa isang maliit na palihan tungkol sa pelikula. Pagkatapos nito, diretso naman sa isang mahabang biyahe patungong Banaue at Sagada kasama si Jas. Hanggang 27 na kami sa payak at marilag na bayan sa piling ng mga kabundukan. Nagtungo sa mga kuweba ng Sumaguing at Lumiang, nag-food trip, at siyempre, hindi na pinalampas ang pag-akyat sa katabing bundok ng Ampacao. 2/9 lang ang difficulty rating kaya hindi na nagdalawang isip na umakyat!

Pagkauwi sa Lipa noong 28, bisikleta naman! Ang naunang plano na morning chill ride papuntang Taal ay nauuwi sa mapangahas na Mabini Loop metric century ride! Durog ang tuhod at pride namin ni Cumagun! Kisig all the way sa scenic ngunit killer roads ng bayan ng Mabini.

Kinabukasan naman, dayhike sa Pico de Loro sa Ternate, Cavite kasama ang 21 iba pang bundukero. Napagbigyan ng magandang tanawin at ligtas sa aberyang biyahe at akyat. Sulit na sulit din ang pagbalik namin para sa monolith. Hindi namin ito naakyat nung una kaming pumunta dahil maraming tao noon; mahaba ang pila at kailangan naming sundin ang striktong itinerary dahil kailangang tumalima sa schedule ng public transpo.

Sa loob ng walong araw, tatlong bundok ang naakyat! Binalak pa sanang mag-twin dayhike sa Nagpatong at Bangkalan sa Lobo nung 31 kaso paggising ko nung 30, umalma na ang katawan. Lagnat, ubo, sipon. Pahinga naman daw. Kaya ayun. Tengga ulit sa bahat nang tatlong araw.

Nobyembre 2, balik sa aksyon! Padyak sa Balete, sa may Lawa ng Taal. Hinabol namin ang lumulubog na araw. Biking capital ang lugar na ito. Puro lusong papuntang lawa. Puro ahon pabalik. Kaya naman ngalngal ako nung pauwi na sa Lipa. Halos sampung beses yata akong bumaba sa bisikleta at nagtulak! Nahabol pa ng aso!

Kinabukasan, Nobyembre 3, tumakbo naman nang 9.3 km sa parehong ruta. Pero pababa lamang. Mahirap din. Iba ang hirap ng pagtakbo palusong. Mabigat sa paa. Kinabukasan, umangal na naman ang katawan. Sobrang sakit ng mga kasukasuan, lalo na ang kaliwang paa. Kaya nagpahinga na lang buong araw at kumain.

Nobyembre 5, food trip sa Binondo. Hindi sumipot ang ibang niyaya kaya double date ang nangyari! Nakalimang kainan. Dong BeiSincerityYingyingEstero at Wai Ying. Lungange pagkatapos. Pero masarap! At busog! Busog na busog! Pagkain talaga ang salarin kung bakit kahit gaano ka-aktibo ang lifestyle ko nitong mga nagdaang linggo eh hindi pa rin ako mamayat-mayat!

Nobyembre 6, patapos na ang sembreak. Enrollment na naman sa law school. Haaayz.

Nobyembre 7-8, huling weekend na kaagad! Ang bilis! Kaya huling hirit na rin bago magpasukan. Sa halip na mamundok, nag-beachineering naman! Burot Beach sa Calatagan! Sobrang naging perpekto ang overnight na ito. Pinagbigyan kami ng langit at ng kalikasan! Swabeng-swabeng paglubog ng araw, walang ulap buong gabi, malinamnam na inihaw ang hapunan, sobrang daming maliliwanag at mahahabang bulalakaw buong magdamag, Milky Way nung maaga-aga pa, winter constellations nung gabi, planetary at lunar conjunction at alignment nung madaling araw! Suryal! Malapanaginip! Nung umaga, maikli man, masaya pa rin ang langoy sa karagatang puno ng mga yamangdagat! Sulit na sulit ang huling hirit!






Linggo, Hulyo 5, 2015

Bangungot sa Bundok Pulag


Retrato ni Derik Cumagun

Ngayong araw, aakyat dapat kami sa Bundok Malipunyo sa Batangas. Kaso, paggising namin, malakas at pabugso-bugso ang buhos ng ulan dulot ng Habagat na hinihila naman ng Bagyong Egay. Kaya naman napagpasyahan na ng grupo na huwag na muna ituloy ang day hike. Mahirap na kasi. Safety muna bago Summit.

Naalala ko naman ang mala-bangungot na karanasan sa Bundok Pulag noong Disyembre ng nagdaang taon. Inulan kami sa Camp 2 at iyon ang naging pinakamahabang gabi ng buhay ko!

Nang pinlano namin ang akyat sa Pulag, sinunod namin yung tipikal na 2D1N itinerary sa Ambangeg trail. Baguhang bundukero pa lang kaming lahat nung mga panahon na yun. Gusto lang naming akyatin ang Pulag sa pinakamadali nitong trail at makita ang pamosong "sea of clouds" na matatanaw mula sa taluktok ng ikatlo sa pinakamataas na bundok sa bansa.

Kaso, ito na yung pinakamatinding biro ng kalikasan sa amin. Ibang-iba ang aming mga ekspektasyon sa realidad na natikman.

Ang plano, pagdating namin sa Camp 2, doon kami magtatayo ng mga tent at magpapalipas ng gabi para sa summit assault madaling araw kinabukasan. Naging maayos naman ang aming simula ng aming akyat. Maulap pero kampante kaming aaliwalas din ang panahon. Hindi pa rin gaanong masakit sa balat ang lamig ng temperatura habang nasa Ambangeg trail.

Pagdating namin ng Camp 2 bandang 1700 ng hapon, mahina pa ang ulan pero kulay puti na ang paligid. Hindi na namin makita ang langit. Apat na tent ang itinayo namin at nagpahinga muna kami habang hinihintay ang pagganda ng panahon.

Pero sa halip na sa paganda ay naging masungit pa ang langit sa amin. Pagkagat ng dilim, mas lalong lumakas ang ulan. Ang ilan sa amin (kasama ako) ay sinaktan na rin ng ulo. Suspetsa namin ay bunsod ito ng matinding lamig at altitude sickness. Hindi rin kami kaagad nakapaghanda o nakapagluto ng hapunan sapagkat maulan sa labas.

Nanatili kami sa loob ng mga tent ngunit kalaunan, nang lumakas pa ang ulan at hangin, pinasok na ng nagyeyelong tubig ang tatlo sa apat na tent. At simula pa lamang ito ng napakahabang gabi sa Pulag!

Napagtanto naming mali ang tinayuan namin ng tent dahil daanan pala iyon ng tubig. Wala kasi kaming nagawa dahil pagdating namin sa Camp 2 ay marami nang nakapagtayo ng tent sa mga magandang lokasyon.

Isinuot na namin lahat ng baong panlamig ngunit tagos hanggang buto pa rin ang ginaw. Lampas tatlong patong na ng damit ang suot namin pero wala pa rin! Hanggang sa nabasa na rin ang mga sleeping bag na panlatag namin sa tent. Dahil dito, hindi na rin kami makatulog. Mas lalo ring sumakit ang ulo ng ilan sa amin!

Sobrang tagal lumipas ng oras! Bawat check namin sa oras eh minuto lang ang lumilipas. Wala kaming magawa. Dumating na sa puntong kung ano-ano na ang sinasabi namin habang natatawa na lang sa kalunos-lunos naming kalagayan. Batid naming nasa bingit na kami ng hypothermia nung mga sandaling iyon.

Nang hindi ko na kinaya ang lamig, lumipat na ako dun sa isang tent na medyo maganda ang puwesto at tuyo pa sa loob. Apat na ang nandun sa loob ng tent pero tatlo pa kaming dumagdag doon. Masakit pa rin ang ulo ko kaya hindi gaanong nakatulog. Sa gilid din ako ng tent nakapuwesto at nababasa ring bahagya ang bahaging yun. Sobrang lamig talaga ng tubig!

Samantala, sina Sir Derik, Ate Layka, Girlie, Gibo at TJ ay sumama sa aming guide patungo sa ranger station. Kuwento nila, may bonfire daw roon ang mga guide at yung mga campers na hindi na kinakaya ang lamig sa mga tent ay doon dinadala.

Nang malapit nang sumikat ang araw, nawalan na rin kami ng pag-asang gaganda pa ang panahon. Kumalat na ang liwanag at napagpasyahang hindi na mag-summit assault dahil sa sama ng panahon. Maulan pa rin at malakas ang hangin. At gustong-gusto na naming bumaba!

Halos lahat ng gamit namin, nabasa. Yung mga DSLR, cellphone at iba pang gadget na dala namin ay nag-moist na rin. Ang planong astrophotography at Milky Way shots, nawala nang lahat! Wala na kaming pakialam! Gusto na naming umuwi! Ang sakit-sakit na sa balat at sa ilong ng lamig! Hindi na halos namin maramdaman ang mga daliri namin!

At dahil basang-basa na ang mga gamit namin, pahirapan din sa pag-eempake. Yung iba sa amin, kumuha na ng serbisyo ng porter para mas madali ang pagbitbit. Hanggang sa pagbaba namin, hindi pa rin tumitila ang ulan!

Habang palapit kami nang palapit sa Babadac ranger station, paganda rin nang paganda ang panahon. Nakaloloko talaga ang panahon!

Pero pagbalik namin sa ibaba, napagpasyahan na lang naming magliwaliw at sulitin ang nalalabing oras sa Baguio.

Dahil sa karanasang ito sa Pulag, napakarami naming napagtanto bilang mga batang bundukero. Napakaraming aral ang napulot! Respeto sa bundok. Huwag na huwag mamaliitin ang bundok, Palaging paghandaan ang mga posibleng mangyari. Higit sa lahat, anuman ang mangyari, masama man ang panahon, huwag na huwag tumigil sa paghahanap ng mga dahilan para gumaan at sumaya ang sitwasyon. Kaya salamat, Bundok Pulag!

Kamakailan, inulan din kami nang matindi sa taluktok ng Bundok Daguldol. Dumagundong ang malalakas na kulog at kidlat sa campsite. Pero salamat sa karanasan sa Pulag. Hindi kami nag-panic sa sitwasyong dahil walang-wala pa yun sa kalingkingan ng pagkalamig na bangungot sa Pulag!





(To be updated with photos and video clips...)











Biyernes, Hulyo 3, 2015

TEAM TAGAKTAK sa BUNDOK GULUGOD-BABOY!


Panoramic shot mula sa taluktok ng Gulugod-Baboy.

May pag-aalinlangan habang inoorganize ko ang akyat na ito sa Gulugod-Baboy. Lumabas kasi ang balitang tag-ulan na mula mismo sa Pag-asa.

Naranasan ko nang umakyat sa bundok nang naulan at hindi masaya. Wala kang makikia kundi mga ulap at ang maputik na daan. Madulas ang trail at siyempre, mas mahirap.

Pero buti na lang, hindi kami inulan sa Gulugod-Baboy! Perpekto ang panahon kaya pagkaraming tanawin ang namalas namin mula sa tuktok! Nakisama talaga ang panahon sa akyat na ito. Panlabing-dalawang bundok ko na ito sa panlabing-walong akyat.

Pinakamalaki rin ang grupong ito sa bilang na 22. Dinaig ang 19 sumama noong Hunyo 6-7 sa Bundok Daguldol. Palaki na talaga nang palaki ang Team Tagaktak! Nakatutuwang balikan ang mga panahong bahagya na kaming makahagilap ng makakasamang mamundok!

Kampante rin akong mag-imbita ng marami sa akyat na ito. 2/9 lang naman kasi ang difficulty rating ng Gulugod-Baboy, ayon sa mga Philippine mountaneering blogs. Mainam para sa mga nagsisimula pa lamang. Anim sa nakasama namin ang unang beses mamundok.

Gayunman, kahit 2/9 o relatively easy ang rating ng isang bundok, humihirap ito kung mabigat ang dala mo. Ganito ang nangyari sa amin sa Daguldol. Sobrang dami naming dala dahil nagplano kaming mag-ihaw. Napalabis ang dalang bigas (7 kilo), tapos may dala pang tinimplahang karne ng baboy at manok, pati talong at mga pang-ihaw. Kaya kahit 3/9 lang ang Daguldol, ngalngal pa rin kami.

Kaya sa akyat na ito, minabuti naming hindi na magluto at magdala na lamang ng mga binalot na pagkain. Para mas magaan ang mga sakbit na bag. Sa kaso ko, medyo may kabigatan pa rin ang dala dahil sa tent at sa kamera. Tuwing umaakyat kasi ako sa bundok, nakaugalian ko nang magdala ng kamera at dalawa o tatlong lente para kunan ng retrato ang mga tanawin sa bundok. Kalimitan, may dala rin akong tripod para sa long exposure at astrophotography.

Dagdag din sa mga nagpahirap sa pag-akyat namin ay ang matinding init sa Gulugod-Baboy. Halos kapareho ito ng Daguldol at Naguiling. Ganito kasi talaga ang mga bundok na nasa tabi ng dagat dahil sa maalinsangang hulab. Ito rin ang dahilan kaya bandang 1500 o alas tres ng hapon na namin sinimulan ang akyat.

Nahati sa dalawa ang grupo--Team Mabagal at Team Mabilis. Wala pang dalawang oras ay narating na agad ng Team Mabilis ang taluktok. Samantalang kami sa Team Mabagal ay inabot ng nasa dalawa't kalahati dahil na rin sa dami at tagal ng mga stopover. Marami kasing stopover dun sa bundok. At katulad ng sa Daguldol, may mga kabahayan pa rin sa gitna ng trail.

Pagdating namin sa tuktok, nagulat kami dahil may nakita kaming sasakyan! May nakita akong Toyota Fortuner at isang motorsiklo doon mismo sa Peak 3! Yun pala, accessible na sa mga sasakyan ang bundok mula sa Silangang bahagi ng Mabini peninsula! Pero ayos lang. Walang thrill at hindi sana namin naramdaman ang essence ng pamumundok kung dun kami dumaan.

Sa taluktok ng Gulugod-Baboy matatagpuan ang isa sa mga pinaka-rewarding na tanawin sa lahat! Kung maaliwalas ang panahon, kitang-kita ang kabuuan ng Mabini peninsula. At dahil masuwerte kami, naabutan namin ang ginintuang araw na lumulubog sa tabi ng Look ng Balayan! Sobrang ganda ng pagsabog ng mga kulay! Paglubog ng araw, malapanaginip lalo ang tanawin. Sa Silangan, matatanaw ang iba't ibang tingkad at hue ng bughaw ang mababanaag. Pagharap mo naman sa Kanluran, mga maiinit na kulay ng pula, dilaw at kahel ang masisilayan. Napakaganda! Parang isang dambuhalang paleta ng isang pintor ang buong kalangitan! May bonus pang bahaghari doon sa taluktok!

Jump shot!

Bahaghari sa taluktok!


Kasabay namin ang dalawa pang grupo ng mga mountaineer. Napagpasyahan namin na sa gitnang peak (Peak 2 yata iyon) magtayo ng mga tent dahil pinakamaganda ang tanawin doon sa aming palagay. Tatlo kasi ang peak ng Gulugod-Baboy. Yung isang grupo, piniling magtayo ng campsite dun sa pinakamataas na tuktok samantalang yung isa namang grupo ay doon sa mas mababang bahagi.

Habang inaabangan ang paglubog ng araw.


Pagsapit ng dilim, inihanda na amin ang hapunan at kami'y nagsalusalo. Pinaghatian at binahagian ang mga kasamahang nakaligtaan daw magdala ng pagkain. Para-paraan!

Matapos ang masarap na kainan ay nangahoy ang ilan naming kasamahan para mag-bonfire. May dala rin kasing marshmallow, graham crackers at barbecue sticks ang ilan sa amin kaya s'mores ang naging panghimagas. Dito na rin nagkakuwentuhan at nagkatawanan dahil sa mabentang pagpapatawa ni Boyet. Si Boyet ay isa sa mga unang miyembro ng Team Tagaktak na matagal-tagal ding hindi nakasama sa mga lakad.

Ilan sa mga napag-usapan ay ang mga bituin at mga maningning na bagay sa kalangitan. Sinabi ko sa kanila na isa sa mga photography goals ko sa akyat na ito ay kunan ang Milky Way. Kaso, alas dos pa ng madaling araw lulubog ang waxing gibbous moon. Mainip-inip kami sa paghihintay, eh. Pero ayos na rin. Nakakuha rin ako ng ilang moonlit shots ng Gulugod-Baboy.

Moonlit Gulugod-Baboy


Ilang ulit din kaming pinakaba ng mga makakapal na ulap. Nung sa Daguldol kasi, hindi kami pinagbigyan ng panahon para makapag-astrophotography. Mabuti na lang talaga at pagsapit ng alas dos, maaliwalas ang bahagi ng langit kung saan makikita ang tinatawag na Milky Way cloud. Sulit na sulit ang pagpupuyat!

Ayun!

Ayos na ayos! Sorry sa mga tulog na, wala kayong garne! Haha


Dahil dito, pasado alas 3 ng umaga na ako nakatulog. Kaya hindi rin ako nagising nang maaga para sa bukangliwayway. Maganda rin daw ang pagsikat ng araw, sabi noong mga nakakita. Pagbangon ko at paglabas sa tent, nababalot ang campsite sa mapuputing ulap kaya medyo presko sa pakiramdam. Nag-almusal na rin kami at nag-ayos na ng mga gamit.

Habang nag-aayos ng mga gamit, may isang matandang lalaking lumapit sa amin. Nasa edad pitumpu na yata itong si Mamay. Binati naman namin siya nang maayos ngunit kalaunan ay nalaman na namin ang kanyang tunay na pakay. Pilit nya kaming hinihingan ng P20 bilang kabayaran daw sa pagtatayo ng camp sa isang bahagi ng kanyang lupain. Siyempre, hindi naman kami pumayag sa panghoholdap na ito. Buti na lang, naalala ko yung papel na resibo na iniabot sa amin sa registration area sa ibaba. Naalala kong sinabi nga pala nung babaeng nag-abot sa akin nung papel na, "Ipakita n'yo lang po 'yan kapag may nagtanong sa inyo sa itaas." At marahil, ito ang kanyang ibig sabihin.

Naging makulit ang matandang lalaki at pinipilit kaming pagbayarin. Nagpakilala siyang Francisco at pamangkin niya raw ang mga konsehal at kapitan doon sa ibaba. Ipinaliwanag ko naman na hindi kami basta-basta magbibigay dahil nakapagbayad na kami sa registration doon sa ibaba. Sinabi ko na lang na kakausapin muna namin yung mga tao sa registration area bago siya bigyan. Pero siyempre, palusot lang yun. Wala talaga kaming balak bigyan si tatang. Ang sama kasi ng dating sa amin ng aksyon niya. Tila ba ang tingin niya sa mga mountaineer ay mga taong huhuthutan niya ng pera. Nakakainis lang.

Pero buti na rin at nangyari ito. Kahit papaano ay nahasa ang aking negotiation skills at pakikipag-argumento. Natakot lang din ako nang bahagya dahil may nakasakbit na itak sa baywang ni lolo. Kaya peaceful at defensive ang approach ko kay Manong Francisco.

Kaya sa mga aakyat sa Gulugod-Baboy, itago nyo yung papel/resibo na ibibigay sa inyo sa registration area. Huwag din kayong basta-basta papayag sa mga naniningil. Kuwestyonin nyong palagi ang kanilang authority at wag papasindak. Namimihasa ang mga gahaman, eh. Tsk, tsk. Pero siyempre, dapat relax pa rin kayo. Cool lang dapat at mahinahon dahil after all, ikaw pa rin ang dayuhan doon sa lugar. Maging diplomatiko hangga't maaari.

Bago bumaba sa bundok ay siniguro naming wala kaming iiwang kalat. Ito kasi ang isang bagay na nakadidismaya sa Gulugod-Baboy at sa ilan pang bundok na malimit puntahan ng maraming tao. Padami rin nang padami ang mga basura. Patindi rin nang patindi ang pagkawasak ng lugar dahil sa ilang mga iresponsableng gawain. Sana naman ay matugunan ito ng lokal na pamahalaan. At sa mga namumundok, huwag namang samlang!

Groupie!

Tsk, tsk, tsk.


Naging matiwasay naman ang aming pagbaba, maliban na lang sa pagkasuklo ni Jas. Nadulas kasi siya sa isang laglag na mangga. Kung kailan malapit na kami sa ibaba. Mabuti na lamang at hindi masyadong malala ang suklo niya.

Pagdating namin sa ibaba, siyempre, diretso kami sa dagat! Dun na rin kami kumain ng tanghalian malapit sa registration area. Sulit na sulit ang lakad na ito!

Maraming salamat sa mga nakasama! Jas, Gre, Czarina, Ima, Joseph, Claudine, Margie, Jill, Jayjay, Erik, Jules, Arnold, Jenskie, Boyet, Lester, Gibo, Gado, TJ, Cloie, Vanessa at Dudot!


Sa Philpan Dive Resort

Lunes, Hunyo 8, 2015

Team Tagaktak sa Bundok Daguldol

 

Siyempre bago magpasukan at tuluyang matapos ang tag-init, dapat may huling hirit! 

Nitong nagdaang Sabado at Linggo, narating ko ang pansampung taluktok sa panlabing-isang bundok (hindi ko kasi narating ang taluktok ng Pulag dahil hanggang Camp 2 lang ang inabot). Panlabing-pitong akyat ko na rin ito at isa sa pinakamasaya dahil labingsiyam ang nakasama! Halos kalahati ay unang beses nakasama sa pag-akyat kaya maraming nakilala. Parami na nang parami ang nakakagat ng mountaineering bug! 

Sa akyat na ito, nagpalipas kami ng gabi sa isang marilag na bundok sa katimugang bahagi ng Batangas--ang Daguldol! Bahagi ang bundok na ito ng Lobo-San Juan Mountain Range kasama ng Naguiling na inakyat naman namin dalawang linggo lang ang nakararaan, noong Mayo 24. 

Sa Brgy. Hugom sa bayan ng San Juan ang jump-off point. Tabindagat lang kaya mainam na sidetrip ang paglulunoy sa dagat tuwing aakyat sa Daguldol. 

Umalis kami sa Lipa bandang 1000 at nakarating sa Brgy. Hugom tanghaling tapat. Umarkila kami ng jeep upang mas makamura sa pamasahe. Pagdating sa Brgy. Hugom, nagpatala muna kami sa HEGA (Hugom Environmental Guides Association). P35 ang registration fee. Dalawa ring guide ang kinailangan naming isama dahil ang ratio ng guide sa mountaineer ay 1:15. Pagdating namin sa Sitio Biga, nagtanghalian muna kami bago simulan ang akyat 1300.

Hindi naging madali ang simula ng akyat dahil sa alinsangan ng panahon. Tirik ang araw, walang mga ulap at sadyang mainit ang klima sa mga bundok na katabi ng dagat dahil sa hulab. Idagdag pa ang bigat ng aming mga bag. Dahil 3/9 lang ang difficulty rating ng bundok na ito, akala ko ay ayos lamang na mabigat ang dala. Nagdala kami ng mga pang-ihaw na karne at parilya at napalabis pa ang nadalang bigas. Kaya bawat limampung metro ng lakad, ngalngal agad sa trail!

Higit na naging mahirap ang simula ng akyat para kay Jai na unang beses namundok. Wala pang labinlimang minuto sa trail ay nagsasabi na siyang gusto nya nang bumalik sa jump-off at magpasundo na lamang. Tulong-tulong naman kami nina Manong Severino (guide), at ng kuya nyang si Floyd para palakasin ang loob ni Jai na ituloy ang akyat. Sinabi namin sa kanya na normal lang ang nararamdaman nya at kailangan nya lang maging matiyaga at magpatuloy nang ayon sa kaya nyang pacing. At syempre, ang pinakamainam na pangumbinsi--sulit ang tanawin sa taluktok ng bundok! 

Sa mga ganitong tagpo talaga nahahasa ang sweeper skills! Mabuti na rin dahil ako man ay nakapagpapahinga dahil hindi ganoong mabilis ang pacing. Lalong mahirap naman para kay Floyd dahil siya na rin ang nagdala ng lahat ng gamit ni Jai. #SiblingGoals #SweetKuya

Naalala ko naman ang mga magkapatid na nakasama ko na sa pag-akyat--sina Gibo at Gado, Gre at Nikka, at Layka at MacNeil. Lahat sila ay nagtutulungan paakyat. Samantalang ako, nung isinama ko ang nakababata kong kapatid na babae sa Rockies, pinagbuhat ko siya ng gamit bilang pagsubok. Mula noon, hindi na siya sumama!

Dahil hindi pare-pareho ang pacing, nahati ang grupo sa dalawa. Team Mabagal, led by me bilang sweeper, at Team Mabilis na pinangungunahan ni Gre at kasama ang masiglang "squad" na maraming "goals".

Pasalamat na rin ang Team Mabagal dahil kaming mga nasa huli ang mapalad na makakita ng dalawang kalaw (Philippine hornbill) sa isang mataas na puno sa kalagitnaan ng trail. Suryal ang pakiramdam na yun dahil ilang metro lang ang layo ng mga endemikong ibon sa amin. Kitang-kita namin ang kulay ng kanilang plumahe at tuka, at dinig na dinig namin ang natatangi nilang huni! Sa kasamaang palad, hindi namin nakunan ng retrato dahil wala sa grupo namin ang telephoto lens. Sinabi rin ni Kuya Severino na kumpara sa Bundok Naguiling, mas kaunti ang mga kalaw sa Daguldol. 

Salamat din sa malalamig na inumin! Tuwing umaakyat ako, nakaugalian ko nang punuin ng yelo ang dala kong Coleman water jug. Sobrang nakawawala kasi ng pagod ang malamig na tubig. Mas sumarap pa dahil sa init ng panahon. 

Nakatutuwa dahil may mga maliliit na pamayanan pa rin sa Daguldol. May mga tahanan at mga tindahan. Sa gitna ng trail, mayroong mga tindahan ng halo-halo, buko at iba pang pamatid uhaw at gutom. Sa isang tindahan, nakabili pa kami ng sampung pisong yelo na kung sa kapatagan bibilhin ay tatlong piso lamang. Sa tindahang ito rin kami pinatikim ng ginataang bayawak. Lasang manok ang karne nito at tila may maliliit na buto kapag nginuya. Masarap naman pero nanibago lang talaga ang aming panlasa. Sana lang din ay hindi endangered ang mga bayawak sa bundok na ito.

Pasado alas singko y medya ng hapon, narating ng Team Mabagal ang taluktok ng Daguldol! At tama kami, pawi ang pagod. "Worth it nga pala talaga," sambit ni Jai. Matapos magtayo ng mga tent ay photo op muna. Jump shot habang lumulubog ang araw!

 

Malawak na damuhan ang campsite ng Daguldol. Wari nami'y kasya ang higit isandaang campers dito. Matatanaw ang pamosong dalampasigan ng Laiya sa bandang Silangan, ang malawak na karagatan, at ang mga bundok ng Naguiling, Banoi, Maculot, Malipunyo at Banahaw-San Cristobal sa Kanluran. Maging ang Bundok Batulao ay sumisilip din sa may kalayuan. Lahat ng bundok na ito ay nababanaag sa ginintuang sinag ng dapithapon! Sulit na sulit talaga! Halos kapareho ng tanawin mula sa Balatikan campsite ng Naguiling. Yun nga lang, mas naging maganda ang karanasang ito dahil sa taimtim na liwanag ng dapithapon. 

Pagkagat ng dilim, inayos namin ang posisyon ng aming mga tent at kaagad naghanda para sa hapunan. #SquadGoals ang pagpapabaga sa mga uling. At dahil maliit na kaldero lamang ang nadala, dalawang beses kaming nagsaing. Masarap ang mag-ihaw sa itaas ng bundok pero napag-isip-isip namin na hindi nga ito praktikal dahil sa bigat ng dadalhin paakyat (timpladong karne, ihawan at uling). O hindi pa lang kami marunong ng tamang weight distribution? 

Gusto ko pa rin talagang magluto ng sinigang sa bundok! 

 

Pagkatapos ng hapunan, namahinga lang kami nang saglit at nag-ayos ng gamit. Dahil medyo naubusan na kami ng tubig, minabuti naming umigib sa kalapit na bukal, limang minuto ang layo sa campsite. Hindi lahat ay sumama sa pag-igib ng tubig dahil ang iba ay nagbantay sa campsite. Sinabihan din kasi kami ng mga guide na mag-ingat sa mga asong miyembro ng salisi gang doon sa campsite. Mababait naman ang mga asong ito ngunit may ugali silang salisihan ang mga campers at agawin ang kanilang pagkain. May mga pagkakataon pa nga raw na naninira sila ng tent kapag may naamoy na pagkain sa loob. Pinayuhan kami ng mga guide na isabit na lamang sa mga puno ang mga tirang pagkain.

Isa sa mga layunin namin tuwing aakyat ng bundok ay ang mag-astrophotography at kunan ang Milky Way mula sa taluktok. Naplano ko na sana ang gagawin ko sa Daguldol. Kukunan ko ang Milky Way bago sumikat ang waning gibbous moon. Kaso lang, nariyan na naman ang kontrabida sa astrophotography: makakapal na ulap. Sayang. Ang ganda pa naman ng Milky Way na nasa itaas lang ng guhitdagat! Nagpakita na si Antares, eh! Maghahating-gabi na, taklob pa rin ng ulap ang langit (salamat sa sumpa ni TJ) kaya napagpasyahan naming magpahinga na para sa bukangliwayway kinabukasan. 

                           

Sa akyat na ito, ayon sa Accuweather, ang forecast para sa Hunyo 6-7 ay thunderstorms; poor for hiking. Pero nung umaakyat na kami at sobrang init, kampante kaming hindi na uulan. Nagkamali kami.

Bandang alas dos ng madaling araw, bumuhos ang malakas na ulan kasama ang dumadagundong na mga kulog at nakapangingilabot na kidlat! Sa loob ng tent, animo'y may mga nagpipiktsur sa labas na sobrang lalakas ng gamit na flash! Gisingan kaming lahat. Unti-unti na rin daw pinapasok ng tubig ang karamihan sa mga tent. Yung tent kung saan ako nakahiga, sa kabutihang palad, ay hindi naman masyadong pinasok ng tubig. Yung tent ding yun ang sumalba sa amin sa bangungot sa Pulag noong nagdaang Disyembre! Buti na lang din at hindi gaya noong Pulag, naitayo namin ang tent sa isang magandang lugar na hindi gaanong dinaraanan ng tubig.

Sa akyat na ito, tatlo kami nina Gre at TJ na naranasan yung nagyeyelong kalbaryo sa Pulag. Kung hindi namin naranasan iyon, malamang ay nasindak at nag-panic kami sa malalakas na ulan, kulog at kidlat ng Daguldol. Ngunit hindi talaga namin maikumpara ang karanasan sa Daguldol sa Pulag! Walang-wala sa kalingkingan! 

Madaling-araw na nang tuluyang tumigil ang ulan. Ang planong gumising para sa bukangliwayway ay hindi na rin naituloy dahil makakapal pa rin ang ulap noong kumalat ang liwanag. Bumangon kami pasado 0700 na ng umaga. At kaagad na naging paksa ng aming kuwentuhan ang nagdaang ulan. "Kaya pala 'daguldol' ang tawag sa bundok na 'to! Dumadaguldol yung kulog!"


Plano rin sana naming akyatin ang Bilaran ng Limatik, na ayon kay Kuya Macario (isa pa naming guide) ay mas maganda raw ang tanawin kaysa sa taluktok ng Daguldol dahil isa raw iyong malaking tipak ng bato na nakatunghay sa malawak na karagatan. Ngunit dahil tinanghali na rin kami ng gising at batid naming madulas ang trail dahil sa bumuhos na ulan, napagpasyahang hindi na muna akyatin ang Bilaran.

Sa halip, naghanda na lang kami ng pagkain para sa almusal. Dumating din ang mga bukong binili namin sa isang residente roon. Sobrang tamis ng sabaw ng buko!

Nilibot din namin ang campsite at nakakita ng mga namumulang sapinit o Philippine wild raspberries! Ang sarap talaga ng mga ito. Mangasim-ngasim! 

Pero ang pinakamahalagang tagpo sa umagang ito, para sa akin, ay ang makita at makilala ang isang dambuhala na isa sa mga pinakamapanubok na bundok sa bansa -- ang Bundok Halcon. Nagpakita ang kalakhan nito sa bandang Timog-Kanluran, sa isla ng Mindoro. Kakaibang kaba at kilig ang naramdaman namin nina Gre at Floyd na nagsisimula pa lang mamundok. Para kaming hinahalina ng dambuhalang bundok na akyatin ang kanyang taluktok. Kabilang kami sa mga nagseseryosong bundukero na pinapangarap marating ang taluktok nito. Balang araw, Halcon. Balang araw. 


Mag-aalas diyes na nang simulan naming bumaba. Sa pagkakataong ito, mas magaan na ang mga nakasakbit na bag sa aming likuran. Nagulat din kami dahil hindi masyadong madulas ang trail. Tuyot na tuyot daw kasi ang lupa roon kaya balewala ang lakas ng ulan kagabi, sabi nina Kuya Severino. 

Wala pang kalahating oras ay narating namin ang kalagitnaan ng trail. Doon ay hinintay namin sina Jai at Peter. Natagalan sila kaya natagalan din ang aming pahinga. Pagdating nila sa tindahan kung saan kami naroroon, sinabi nilang nagtagal daw sila dun sa may ilog. 

Nang ituloy namin ang pagbaba, umuna na kami ni Gre sa grupo nina Szia, Floyd, Jai at Peter. Sinubukan naming habulin ang mga naunang kasamahan. Sa tantsa ko ay dalawampung minuto silang nauna sa amin. Kaya, tinakbo namin ni Gre ang kahabaan nung trail. Pagtigil namin, sobrang tagaktak ng pawis at ang sarap sa pakiramdam ng naghahabol ng hininga! Kakaiba rin talaga ang thrill ng trail running lalo't may bitbit na bag na may kabigatan.

Wala pang kalahating oras ay narating naman namin ang Naambon Falls. Ito talaga ang sidetrip namin. Pinuntahan na namin ito noong unang araw pa lang ngunit medyo mahina ang dumadaloy na tubig. Salamat na lang din sa ulan at bahagyang lumakas ang tubig sa talon. Lampas isang oras din kaming naglunoy rito. Samantala, umuna sa beach ang "squad". Mukhang mas trip nila ang dagat kaysa sa ilog at talon.



Pagkatapos sa Naambon, bumalik na kami sa jump-off point kung saan nagbabad naman sa dagat. Doon na rin kami naligo, nagbihis at kumain ng tanghalian habang hinihintay ang jeep.

Sobrang sulit talaga ng lakad na ito! Bundok, dagat, talon at ilog bago simulan ang isa na namang semestre at bumalik sa kaniya-kaniyang trabaho sa lungsod!

Maraming salamat muli sa mga nakasama! Gre, Floyd, TJ, Margie, Jai, Claudine, Vanesa, Bryan, Arnold, Jules, Bernard, Josef, Rafael, Szia, Vigie, Erik, Peter at Fidem! Sa uulitin! 

                         

Tanaw mula sa Bundok Daguldol


Lunes, Mayo 25, 2015

Tagaktak sa Bundok na Naguiling!




Isang buwan matapos tawirin ang kanlungan ni Maria Makiling at tatlong linggo matapos ang napurnadang akyat sa nag-alburotong Bulkang Bulusan, sa wakas ay naitungtong kong muli sa isang taluktok ang paa kong hindi pa lubusang gumagaling sa pagkasuklo.

Nitong nagdaang Linggo, narating ng Team Tagaktak ang diumano'y pinakamataas na taluktok sa lalawigan ng Batangasang Bundok Naguiling sa Lobo, 1007 masl. Mas mataas nang dalawang metro sa taluktok ng Bundok Malipunyo sa Lipa. Magkasing-hirap akyatin ang dalawang bundok ngunit kung manggagaling sa Maynila, di hamak na mas mahirap marating ang jump-off point ng Bundok Naguiling sa Brgy. Jaybanga. Kailangan mo munang dumaan sa mala-isaw na kalsada!

Dahil mahirap pumunta rito, sa pribado man o pampublikong transportasyon, hindi pa ito paboritong puntahan ng mga bundukero. At ayon sa guide namin na si Kuya Allan, taong 2013 lang daw nagsimula ang mga organisadong pag-akyat sa Bundok Naguiling. Kaya naman hindi pa gaanong bugbog ang trail ng bundok. Sana lang ay mapangalagaan ang Naguiling sa panahong maging sikat na destinasyon na ito sa mga bundukero. 


Lahat kaming sumama sa akyat na ito ay unang beses sa Naguiling. Wala pang nakaranas sa amin kung paano talaga pumunta roon. Sumangguni lamang kami sa mga blog na may detalyadong account ng akyat sa Naguiling.

Dahil nalaman kong mahirap ang transportasyon papunta at paalis sa Brgy. Jaybanga sa Lobo, nagdesisyon akong umarkila na lamang ng dyip para sa akyat na ito. Imposible rin kasi ang itineraryong day hike kung aasa sa pampublikong transportasyon dahil madalang ang mga dyip na bumabiyahe papuntang Jaybanga. Base sa itinerary ng PinoyMountaineer, mula sa Lipa ay tinaya kong dalawang oras ang aabutin para makarating sa Jaybanga gamit ang pinakamaikling ruta (Lipa-Padre Garcia-Rosario-Lobo) na ipinakita sa akin ni Google Maps. Kaya sa ginawa kong itinerary, 0445H ang ETD papunta sa Jaybanga at 0700H naman ang simula dapat ng akyat.


Kaso lang, naligaw kami. At kasalanan ko 'yun. Nang makita ko 'yung ruta ni Google Maps, itinigil ko na ang pagsasaliksik. 2012 ako huling nakapunta sa bayan ng Lobo at doon kami dumaan sa lungsod ng Batangas. Sa pagkakatanda ko, mahaba at sobrang daming zigzag ng rutang iyon kaya agad akong natuwa sa maikling ruta ni Google Maps. Hindi ko na pinansin yung isa pang rutang daraan sa bayan ng Taysan...

Nang dinaraanan na namin yung ruta ni Google Maps, hindi ko halos matawag na kalsada ang kahabaan nun! Bukod sa paliko-liko, sobrang gaspang at maalikabok nung daan! Marami pang bahagi ang hindi sementado. Matatarik na ahon at lusong ang sinuong ng aming dyip. Mabuti na lang at halimaw rin ang driver naming si Kuya Nonoy!

Nang malapit na kami sa dulo ng ruta, natagpuan namin ang aming mga sarili sa tabing-ilog na imposibleng tawirin ng dyip. Kaya naman bumalik kami at saka pa lamang gumawa ng Plan B. Pero salamat sa Diyos, hindi pa kami nakalalayo, mayroon kaming napagtanungan na papunta rin sa Brgy. Jaybanga! Sinamahan niya kami at malugod na itinuro ang tamang daan!

Bagaman huli na nang isa't kalahating oras sa itinakdang itineraryo, nakarating kami nang ligtas sa bahay ni Kapitan Romeo Delen ng Brgy. Jaybanga. Doon kami tinagpo ni Kuya Alvin na aming guide. Doon na rin kami nagparehistro. At ang 0700H na akyat, naging 0820H. 

Akala ko ay hindi na namin maaabot ang taluktok dahil masyado na kaming nahuli sa itinerary. Isa pa, noong nagsisimula na ang akyat, halos lahat kami ay madaling hinapò dahil matagal na ring hindi umaakyat ng bundok. Marami rin sa grupo ang baguhan pa lamang sa pag-akyat ng bundok. Dagdag hirap din ang maalinsangang panahon. Para kaming sinisilaban sa ilang yugto ng trail. 

Ayon din sa difficulty rating ng PinoyMountaineer, 5/9 at major climb ang Bundok Naguiling, o kasing-hirap ng Maktrav (Makiling traverse). Pero sa tantsa ko, 4/9 lamang ito at kasing-hirap nga ng Malitrav (Malipunyo traverse). Pero dahil sa hirap ng dinanas naming biyahe, puwede na nga ring 5/9!




Sa kabuuan, siyam (9) na oras at apatnapung (40) minuto namin tinapos ang day hike na ito, mula sa bahay ni Kapitan at pabalik, kasama na ang lahat ng pahinga at pagkain. Mula sa bahay ni Kapitan hanggang sa taluktok ay 5.37 kilometro. Halos lahat ng bahagi ng trail ay paahon. Pinakamahirap 'yong matarik at mabatong bahagi na kung tawagin ay 'Paniya trail'. Maluwag ang ilang bato kaya't naroon ang panganib na gumulong ang ilan sa mga ito. Sa aming akyat, muntik nang matamaan si Aimee ng gumugulong na batong sinlaki ng hollow block! Mabuti na lamang at nakatungtong siya sa isa pang bato kung saan tumama ang gumugulong na kapahamakan. May ikinuwento rin si Kuya Allan na mayroon daw isang mountaineer na muntik nang mabalian dahil nagulungan din ng bato ang paa. Mabuti na lamang daw at hindi gaanong nakabuwelo ang naturang bato.

Sa kabuuan ng trail paakyat sa tuktok ng Naguiling, sa Balatikan campsite ang pinakamagandang tanawin. Mula rito, makikita halos ang buong lalawigan ng Batangas dahil sa 180° na tanawin. Masuwerte kami at maaliwalas ang langit sa aming pag-akyat. Nakita namin sa kaliwa ang kalapit na Bangkalan Peak (700 masl). Sa bandang kaliwa rin ang Bundok Banoi (960+ masl). Tanaw rin sa malayo ang Bundok Makulot (947 masl) at Bulubunduking Malipunyo (1,005 masl). Sa likod naman ng Malipunyo, sumisilip ang Bundok Makiling (1090+ masl). Bigo naman kaming makita nang buo ang Bundok Banahaw (2,158+ masl) at Bundok Cristobal (1,470+ masl) dahil natatakluban sila ng ulap. Samantala, mula Balatikan ay natatakluban ng bahagi ng Naguiling ang Bundok Daguldol (670+ masl) sa bayan ng San Juan. 



Ang 'Balatikan' ay galing sa salitang 'balatík' na isang bitag na ginagamit para manghuli ng baboy ramo. Sa etnoastronomiyang Filipino ni Dante Ambrosio, 'Balatík' din ang tawag sa talampad o konstelasyong 'Orion'. Hango rin ito sa hugis ng naturang patibong. Natuwa ako nang malaman ang bagay na ito. Kaya sa susunod na magawi ako sa Naguiling, doon na magpapalibas ng gabi upang makunan ng retrato ang talampad na Balatík mula sa Balatikan! 

Pagkagaling namin sa Balatikan ay bumalik kami sa Kubo upang doo'y mananghalian. May libre rin kaming tubig galing sa malapit na bukal. Salamat na lang kay Kuya Leon na siyang may-ari yata nung Kubo. Matapos kumain ay iniwan namin sa Kubo ang ilang gamit para mas madaling umakyat. Pinaalalahanan kasi kami ni Kuya Allan na hindi madali ang trail paakyat sa taluktok at aabutin kami ng kulang-kulang tatlong oras. Pero walang nagpaiwan sa amin; lahat ay nais marating ang tuktok!

Sinimulan namin ang summit assault tanghaling tapat 1205H, at nakarating sa taluktok matapos ang dalawang (2) oras at dalawampu't apat (24) na minuto o 1429H. Malaking tulong na magaan na ang aming mga bag. Kaso lang, halos lahat kami ay naubusan ng dalang tubig dahil lubhang nakauuhaw ang pag-akyat, at hindi tulad sa Makiling o Malipunyo, halos walang malamig na lawiswis ang tumatagos sa trail. 

Sa taluktok ng Naguiling, hindi gaanong makapigil-hininga ang tanawin. Marami kasing matataas na puno rito. Makikita lang sa timog-kanluran ang Isla Verde at sa likod nito, ang isla ng Mindoro. Kung nais makakita nang mas malawak na tanawin, kailangan pang umakyat sa puno (tulad ng ginawa ni Gre). Sinabi rin ni Kuya Allan na balak nilang i-clear ang ilang bahagi ng taluktok para sa view. Pero kung ako ang tatanungin, huwag na lang sana. Nauunawaan ko na marahil gusto rin nila Kuya Allan na i-clear ang bahaging ito para sa mga bundukerong bumibisita sa Naguiling. Marami kasi ang itinuturing na reward ang tanawin sa taluktok ng bundok. At totoong nakapapawi talaga ng pagod ang picture-perfect na 360° tanawin tulad ng sa Bundok Batulao at Pico de Loro. Sulit nga naman ang pagod dahil sa mga ito. Ngunit hindi talaga lahat ng bundok ay may makapigil-hiningang tanawin sa taluktok. Katotohanan ito na kailangang tanggapin para hindi na kailangan pang sirain ang mga puno't halaman doon sa tuktok.



Saksi kami sa yaman ng anyong-buhay sa bundok na ito. Sa tuktok ng Naguiling, nakakita kami ng tinatawag na pitcher plant na itinuturing na carnivorous dahil nangangain sila ng mga insekto at maliliit na hayop na nabubulid sa mga dahong patibong na hugis pitsel. Unang beses kong nakakita noon. Dati'y napapanood ko lang 'yun sa National Geographic! Sabi ni Kuya Allan, maaari raw inumin yung tubig doon ngunit sa kaunting pagsasaliksik ko sa internet, may mga nagsasabing hindi raw dahil nakalalason. Pero sabi rin ng ibang source sa internet, puwede naman daw. Hindi ko alam kung sinong nagsasabi ng totoo!

Kanlungan din ng maraming uri ng ibon ang Naguiling. Ilang beses kaming nagalak sa tanawin ng mga lawin o brahminy kite (Haliastur indus) na marahang nagpapadausdos sa langit, animo'y hari sa itaas ng malawak at lungting kaharian. Nakakita rin sina Ate Layka at Gibo ng tinatawag kong 'kalapating heartbroken' o Luzon bleeding-heart (Gallicolumba luzonica). Habang nasa isang pahingahan, nakakita naman kami sa mga puno ng niyog ng mga martines o Asian glossy starling (Aplonis panayensis). At noong nasa bahaging 'Inabutan' bago sumapit ang taluktok, nakarinig kami ng koro ng mga kalaw o rufous hornbill, na kilala rin bilang Philippine hornbill (Buceros hydrocorax). Mahirap daw makita ang mga kalaw na ito dahil ayon kay Kuya Alvin, sa matataas na puno sila malimit nakadapo. Mayroon ding mga maya o Eurasian tree sparrow (Passer montanus), layang-layang o barn swallow (Hirundo rustica), uwak o crow (Family Corvidae) at marami pang iba.

Sa kasamaang palad, dahil inubos ng trail ang aming lakas at 250 mm lang ang dala naming lente (dahil wala pa talaga kaming budget para sa matinong lenteng pang-birding), hindi na namin nakunan ng retrato ang mga ibong ito. Idagdag pa na medyo mapanubok talaga ang pagkuha ng retrato ng mga ibon at may hinahabol kaming oras. Ngunit sa banda-banda riyan, kapag nakabalik sa Naguiling, hindi na lang talaga day hike ang gagawing itineraryo upang higit na mamalas ang rikit ng mga ibong malaya sa kanilang kagubatan.


***

Salamat sa mga nakasama sa akyat na ito. Isa sa mga pinakamahirap dahil sa dami ng pinagdaanang aberya at paliku-likong kalsada. Gayunman, isa rin ito sa pinakamasaya! Sa uulitin! Maraming salamat, Gre, Gibo, Gado, Layka, Vermisse, Floyd, TJ, Marg, Nikke, Aimee, Szia at Meg! Overnight na sa sunod! Maraming salamat din kina Kuya Nonoy na halimaw magmaneho at kay Kuya Bulilit! Salamat din sa napakabait naming mga guide sa bundok, sina Kuya Allan at Alvin Magnaye!


Pasasalamat din sa mga website na nakapagbigay ng 'di matatawarang impormasyon para maisagawa ang day hike na ito! PinoyMountaineer, Mtnaguilinglobobatangas, Cityboytripper, at Crocifixio!

Sa mga nagnanais akyatin ang Naguiling, sana'y makatulong din ang ilang impormasyong ito:

Aktuwal na Itineraryo (Day Hike)
0815 Nagparehistro sa Barangay Jaybanga
0820 Sinimulan ang akyat mula sa bahay nina Kapitan
1030 Kubo ni Kuya Leon; itinuloy ang akyat hanggang Balatikan campsite 
1045 Balatikan; kumuha ng mga retrato
1120 Bumalik sa Kubo 
1135 Kubo; nagtanghalian; nagpahinga
1205 Sinimulan ang pag-akyat sa taluktok; dinaanan ang batuhang trail
1315 Narating ang patag na bahagi ng trail; bahagyang nagpahinga; itinuloy ang akyat
1430 Narating ang taluktok; nagpahinga
1500 Sinimulan ang pagpanaog mula sa taluktok
1645 Kubo; nagpahinga; itinuloy ang akyat
1740 Bahay nina Kuya Alvin Magnaye; nagpahinga, kumain; dumiretso kina Kapitan
1800 Bahay nina Kapitan; nagpahinga, naglinis, nag-ayos ng gamit, nag-lomi
1915 Nakaalis pabalik sa Lipa
2045 Nakarating sa Lipa gamit ang rutang dumaan sa Fortune Cement sa bayan ng Taysan

Ilang Gastusin
P20 - Pagpapatala sa Brgy. Jaybanga
P500 - Bayad sa isang guide/araw (guide-mountaineer ratio ay 1:5)

Kontak ng Guide
Allan Magnaye - 09488572737

Kontak ni Kapitan
Romeo Delen - 09485609151 / 09177575186

Ilan pang Bagay
-Ang bigkas daw sa 'Naguiling' ay hindi katulad ng bigkas sa 'Makiling'. Mabagal ang pagbigkas sa unang pantig na 'Na-'. 
-Ang mga Rice Terraces sa Brgy. Jaybanga ay maliliit lamang. Huwag nang umasa na sinlalaki sila noong mga nasa hilagang bulubundukin ng bansa. Mas maganda rin ang mga palayang ito sa mga panahong luntian pa ang mga tanim.
-Mainam na magdala ng sapat na tubig kung aakyat sa Naguiling. Mayroon namang bukal na pinagkukunan ng tubig malapit sa Balatikan ngunit kung maselan ang tiyan, huwag nang subukan.
-Ang bulubunduking kinabibilangan ng Naguiling at Daguldol ay tinatawag ding Lobo-San Juan Mountain Range.
-Tuwing tag-araw, mahina raw ang agos doon sa munting talon sa Naguiling. Hindi na kami dinala nina Kuya Allan sa talon dahil kinulang na kami sa oras at marami rin daw naliligo roon. Hindi raw kami makakasingit kung gusto naming maglublob!





Biyernes, Mayo 8, 2015

National Mountain Cleanup Day 2015

Nakakainis. Hindi ako makakasali sa National Mountain Cleanup Day bukas, Mayo 9. Gustuhin ko man, katawan ko na ang nagsasabing magpahinga muna.

Isang linggo matapos ang mahabang road trip patungong Sorsogon at ang napuranadang akyat sa Bulkang Bulusan, heto ako at tila nakikipagpatintero sa trangkaso. Resulta na ito marahil ng pagod at puyat.

Isa pa, hindi pa rin tuluyang gumagaling ang paa ko mula sa suklo. Lampas isang buwan na mula nang masuklo ako dahil sa basketball at hanggang ngayon, hindi pa nawawala ang pamamaga. Naigagalaw ko na naman ang aking paa ngunit may mga posisyon pa ring kumikirot ito. Naitatakbo ko na at naiipambisikleta pero parang may ipit pa ring ugat o kung ano mang litid. Hmmm.

Marso 28, 2015
Marahil nakaapekto rin na hindi ko ipinahinga nang tuloy-tuloy ang paa ko. Abril 9, umakyat kami sa Batulao; Abril 18, sa Manabu; Abril 25, sa Makiling; at Mayo 1, naglangoy sa Paguriran.

Kaya gustuhin ko man, mukhang kailangan ko muna talagang magpahinga nang ilang linggo para makapamundok na ulit nang mas maayos. Sa susunod na akyat na lang ako magsasagawa ng mountain cleanup day. Hay.

Good luck na lang sa mga maglilinis ng ating magagandang kabundukan bukas! Sana dumating ang mga araw na hindi na natin kailanganing maglinis ng bundok!

Martes, Mayo 5, 2015

Bulusan: Nang Hindi Mangyari ang Inaasahan (o ang biglaang pag-aalburoto ng bulkan)



 "Bulusan Volcano is an active volcano which means that there is always an imminent danger to climbers as ash explosions and other volcanic disturbances are unpredictable." 
- isa sa mga paalala ng AGAP Bulusan, Inc.

***

Abril 2015, nagtungo kami sa Sorsogon, ang lalawigang pinagmulan ng aking ama. Nagawi kami sa Lawa ng Bulusan at doo'y napag-alaman na maaari palang akyatin ang bulkan. Kaya, nang hindi naging posible ang pinlanong "redemption climb" sa Bundok Pulag, kaagad naging fallback ang akyat sa Bulusan, isa sa mga pinaka-aktibong bulkan sa bansa.

Tumawag kami sa Wild BOARS (Bulusan Outdoors and Recreational Sports) - ang grupong nag-oorganize ng mga akyat sa BVNP (Bulusan Volcano Natural Park), - at nakapagpa-reserve ng sampung slots para sa akyat na ito.

At ang naging itinerary?

DAY 0 (ABRIL 30)
2100 Tagpuan sa Lipa City
2200 ETD patungong Sorsogon City
*Pribadong sasakyan ang gagamitin at hindi pampublikong transportasyon
*Tinatayang 12 oras ang biyahe mula Lipa hanggang Sorsogon

DAY 1 (MAYO 1)

0900 Side trip sa Mga Guho ng Cagsawa, Daraga, Albay; kuha ng retrato
0945 Ituloy ang biyahe
1100 ETA sa tutuluyang “Kubo” sa Bacon, Sorsogon; pahinga; tanghalian
1330 ETD patungong Paguriran Beach
1415 ETA sa Paguriran; langoy; kuha ng retrato
1800 ETD pabalik sa Kubo
1845 ETA sa Kubo; pahinga; hapunan; ayos gamit
2100 Matulog! 

DAY 2 (MAYO 2)
0600 Gising; almusal
0800 ETD patungong Bulusan Lake 
0930 ETA sa Bulusan Lake (jumpoff); kuha ng retrato; registration
1100 Maagang tanghalian
1130 Orientation
1200 Mag-kayak sa Bulusan Lake; magtungo sa Ranger Station
1400 ETA sa Ranger Station; pahinga; kuha ng retrato
1430 ETD patungong Aguingay Lake campsite 
1600 ETA sa Aguingay; pahinga; magtayo ng mga tent; kuha ng retrato
1830 Maghanda ng pagkain; maghapunan
1900 Socials; Astrophotography
2100 Matulog!

DAY 3 (MAYO 3)

0300 Gising; almusal; maghanda para sa pag-akyat sa Taluktok
0400 Simulan ang akyat
0630 Datnin ang Taluktok; pahinga; kuha ng mga retrato
0730 Simulan ang pagbaba sa Aguingay campsite
0900 Datnin ang campsite; pahinga
1030 Kumain; ligpitin ang mga tent
1130 ETD pababa sa Ranger Station
1300 ETA Ranger Station; pahinga; kuha ng retrato; magtanim
1330 ETD pababa sa Bulusan Lake
1500 ETA sa Bulusan Lake; pahinga; evaluate; certificate; log-out
1600 ETD pabalik sa Kubo
1730 ETA sa Kubo; pahinga; mag-empake; maghapunan
1900 ETD pabalik sa Batangas

Sa madaling salita, side trip na "beachineering" sa Mayo 1 sa isla ng Paguriran, main course na "vulcaneering" sa Mayo 2-3 sa Bulusan, at balik sa kani-kaniyang trabaho sa Mayo 4.

Nakaalis kami sa Lipa 2245 n.g. ng Abril 30 at nakarating sa Sorsogon 1045 n.u. ng Mayo 1. Ligtas at walang naging aberya sa biyahe. Sakto rin sa 12 oras na nakatakda sa itinerary. Samantala, bigo naman kaming masilayan ang Mayon nang dumaan kami sa mga Guho ng Cagsawa sa Daraga, Albay. Maulap at hindi nagpakita sa amin ang mahiyaing bulkan. Ito ang unang expectation-versus-reality moment ng grupo. Dito na rin namin nakita sa application na PH Mountains ang weather forecast para sa Sorsogon sa susunod na tatlong araw: Cloudy with thunderstorms; Poor for hiking.


Expectation vs. Reality. Larawan ni Gibo Mejillano
Ngunit ang forecast ay forecast lamang, sabi namin sa aming mga sarili. Hindi kami nawalan ng pag-asang gaganda ang panahon at magagawa namin ang aming mga pinlano.

Pagdating namin sa Kubo, nagpahinga kami at kumain. Maulan pa rin. Nagtungo kami sa aming side trip, 1500 n.h. sa Paguriran Beach sa Sawangga. Apatnapung minuto ito mula sa Kubo. Pagdating namin sa lugar, hindi kami binigo ng panahon at tulad ng inaasahan, nagpakita ang magayunong Mayon! Tanaw sa dakong Kanluran, katabi ang iba pang hindi masyadong kilala ngunit napakagaganda ring mga kabundukan sa Poctol Mountain Range ng Sorsogon.



Ginalugad namin ang mga rock formations ng Paguriran. Sa likuran nito, natagpuan namin ang isang palaruan kung saan nasubukan namin ang makapigil-hiningang cliff diving! Halos lahat kami ay unang beses gawin ito. Damang-dama ang adrenaline at ang kabog ng dibdib sa bawat pagtalon. At sa paglubog ng katawan sa malinaw na tubig, ang kaba ay kaagad napapalitan ng kakaibang sarap na magtutulak sa'yong ulit-ulitin ang paglukso sa tubig, mula sa mas matataas pang dalisdis!

Lahat ng ito habang nasa harap namin ang Mayon na unti-unting binabalot ng ginintuang liwanag ng dapithapon. Magayunon!

Madilim na nang lisanin namin ang isla ng Paguriran upang bumalik sa inupahang kubol sa tabindagat kung saan naghihintay ang aking ama at tiyuhin. Inip na inip na sila at nag-aalala sapagkat naglalabasan daw ang mga walowalo o sea snake sa Paguriran tuwing gabi.

Pagbalik ko sa kubol, tsinek ko ang aking cellphone, at mayroong mga missed call at mensahe:

"Tol, narinig mo na ang balita?"

"Pumutok daw ang Bulusan ah?"

"Nasaan na kayo? Ligtas ba kayo?"

"Kumusta kayo? Nagbuga raw ng abo ang Bulusan."

Noong una, akala ko'y biro lang ang mga natanggap na mensahe, hanggang sa nakausap ko ang aking ina, kinukumpirma ang balita. Ini-ere na raw sa telebisyon at iba pang media ang naturang pagputok ng Bulusan. Nagulat kami. Hindi kami makapaniwala. Gusto namin ng mas marami pang impormasyon. Sa dinami-dami ng petsa, nataon pa sa pagpunta namin ang pag-aalburoto ng bulkan!



Tinawagan namin ang Wild BOARS at nakausap ang mismong Tagapamahala ng natural park. Minor explosion lang naman daw ang nangyari at wala namang casualty. Mayroon pa nga raw mountaineers sa Aguingay campsite na nasa 4-kilometer radius permanent danger zone ng bulkan. Wala pa rin daw itinataas na alert level ang PHIVOLCS. Bahagyang na-sensationalize din daw ng media ang nangyari. At ang payo niya sa amin: "Maaari pa naman pong umakyat kayo kinabukasan. Pero yun nga po, climb at your own risk pa rin."

Sa puntong iyon, dahil sa mga pahayag ng park manager, napagdesisyunan naming ituloy ang pag-akyat kinabukasan.

Isang oras matapos naming malaman ang balita ng pagputok daw ng Bulusan. 

Pagbalik namin sa Kubo noong gabi, habang inihahanda ang mga gamit at nagpaplano para sa akyat, nakita ni Jas na tumatawag ang park manager ng BVNP. Ini-loud speaker ni Jas ang telepono at narinig naming lahat:

"May update na po from PHIVOLCS... Mula po sa 5 volcanic quakes, naging 40 na po... Base na po ito sa scientific evidence... Although wala pa pong itinataas na alert level, sinabihan na rin po kami ng PHIVOLCS na mag-ingat pati na rin po ng MDRRMC... So kanina po, nagpalabas na po kami ng order, iyon pong mga nasa Aguingay campsite ay bababa na rin kaagad bukas ng 7 am. Hindi na rin po namin kayo mapapayagang umakyat bukas pero puwede pa rin naman po kayong pumunta dito sa Bulusan Lake for other activities. Nasa labas naman po ng 4-km radius danger zone ang lake..."

At sa sandaling iyon, gumuho ang aming itinerary.

Bagaman dismayado, pinag-usapan namin kaagad kung ano ang magiging Plan B. Sa huli ay napagpasyahan naming akyatin na lamang ang Bundok Pulog na nasa Bacon, Sorsogon. Pag-akyat naman sa bundok ang ipinunta namin sa Sorsogon. Kaagad kaming nagsaliksik sa internet tungkol sa Pulog, at ayon sa Pinoy Mountaineer:

"Considering the volatility of the other hiking attraction in Sorsogon - Bulusan Volcano - Mt. Pulog is also a good fallback in case you cannot climb it."

Gusto ko rin kasi itong maakyat dahil ito yung bundok na nasa Sarong Aldaw, isang maikling pelikulang ginawa ko noong 2011.


Dayhike ng Pulog ang napagdesisyunan naming gawin sa Mayo 2 at bisita naman sa Lawa ng Bulusan sa Mayo 3, bago kami bumalik sa Batangas. Natulog kami nang maaga dahil 0600 n.u. ang gising kinabukasan.

Ang kaso lang, gumising kami sa isang maulang umaga. Hindi na rin namin naituloy ang pinlanong day hike ng Pulog dahil tumutol ang mga matatanda sa amin. Delikado raw at masyadong maulan.

Kaya, napagpasyahan na lang ng grupo na dumiretso na sa Lawa ng Bulusan. Bagaman dismayado pa rin, nais na lang naming sulitin ang mga oras sa Sorsogon. Maulap at may kaunting ulan pa rin sa aming biyahe patungo sa lawa. Hindi rin nagpakita ang taluktok ng Bulusan.

Magtatanghali na nang datnin namin ang bukana ng BVNP. Tumigil muna kami roon para sa "bitter" photo op suot ang aming mga pamundok na damit at sakbit ang aming mga backpack. Gumandang bahagya ang panahon ngunit batid naming hindi na rin talaga kami papayagang umakyat.



Pagdating namin sa mismong lawa, tumila na ang ulan ngunit maulap pa rin. Naabutan namin sa lugar ang mga dismayado ring mountaineer na pinababa mula sa Aguingay campsite. Galing pa raw sila sa Tarlac. Nakinig din kami sa mga usapan at sa isang punto ay may narinig akong reklamo na kasalanan daw ng media. Na-sensationalize lamang daw ang minor ash fall sa Bulusan. At ang retratong ginamit daw ng mga news network ay iyong 2011 eruption pa ng Bulusan.

Nakausap din namin si Ms. Angela, ang butihing customer service representative ng Wild BOARS. Itinanong namin kung maaaring kahit Aguingay campsite ay maakyat namin ngunit hindi na rin sila pumayag. Hindi raw talaga dapat isaalangalang ang kaligtasan. At isa itong mahalagang aral sa mga nagsisimula pa lang mamundok: Safety over Summit.

Sa halip na pag-akyat, naging lakad paikot sa matulaing lawa ang ginawa namin. Apatnapung minuto ang itinagal ng lakad na ito. Ipinaiwan sa amin ang aming mga backpack ngunit tumanggi kami para kahit papaano ay maramdaman naman namin ang pamumundok. Sa trail paikot, nadaanan namin ang jump-off point sa trail patungong Taluktok ng Bulusan. At muli kaming nanghinayang.



Matapos ang ikot na ito, nagtanghalian kami. Napagdesisyunan na pagkatapos ng gagawing pagka-kayak sa Bulusan Lake ay dadaan kami sa Kubo para kumuha ng gamit at kaagad na magtutungo sa Paguriran para doon na lamang mag-camp at magpalipas ng gabi, para kahit papaano ay magamit naman namin ang mga dinalang tent. Gusto rin kasi namin ulit mag-cliff diving!

Bahagyang napatagal ang aming pagka-kayak sa lawa dahil labis kaming natuwa rito. Ang sarap! Nag-karera pa kami hanggang sa dulo ng lawa at pabalik! Napakarikit ng Lawa ng Bulusan!

Pagbalik namin sa Kubo, bumuhos naman ang malakas na ulan at hindi kaagad tumila. Heto na naman ang kontrabidang panahon. Hanggang sa tinamad na rin kaming umalis sa Kubo at sa halip ay napagpasyahang kinabukasan na lang ng madaling araw magtungo sa Paguriran. Nakontento na lang kami sa pagmo-movie marathon sa Kubo. Kami naman ni Jas ay naligo na lang din sa bumubuhos na ulan!

Gumising kami kinabukasan 0430 n.u. at kaagad nagtungo sa Paguriran. Habang nasa daan, maulan pa rin ngunit may ilang bahagi sa langit ang unti-unting nagliliwanag kasabay ng bukangliwayway. Pagdating sa Paguriran, nakatalukbong sa Mayon ang makakapal na ulap at panakanaka pa rin ang ambon.

Sinimulan na naming magtungo roon sa likod ng Paguriran kung saan magagawa naming muli ang nakaaadik at makapigil-hiningang cliff diving! Habang papunta roon, sa kasamaang palad, ay nagkamali ako ng tungtong sa mga mabatong bahagi ng munting isla. Naputol yung kuko ng isang daliri ko sa paa. Aruy!

Kaya sa mga balak pumunta sa Paguriran, mainam na magdala ng proteksyon sa paa at maging maingat na rin dahil sa mga walowalo. Nakakita si Gre ng dalawang walowalo habang tinatawid ang mabatong bahagi ng Paguriran. Nakasisindak ito para sa ilan ngunit mas nakasisindak pa rin at nakaririmarim ang presensya ng mga basura sa Paguriran. Mga plastik, bote, upos ng sigarilyo at maging napkin! Maiging huwag nang dumagdag pa sa mga namumurwisyo sa kalikasan sa pagtatapon ng kung ano-anong basura. Sana'y matugunan ito ng pamahalaang nakasasakop sa isla.

Dapat ay hanggang 0800 n.u. lang kami sa Paguriran ngunit dahil napasarap na kami sa pagtalon at dahil sa wakas ay gumanda na rin ang panahon, inabot na kami ng pasado alas nuwebe ng umaga. Ayaw paawat ng mga kasama ko sa paglukso sa tubig, maliban na lang kay Vermisse, na kung hindi itutulak ay aabutin ng siyam-siyam!

Ang sarap itulak ni Vermisse! Hahaha

Ang pagbaba ng tubig sa dalampasigan at ang pagganda ng panahon. Time lapse ni Gibo Mejillano.


Nagpakita rin mula sa malayo ang taluktok ng Mayon at unti-unting namughaw ang kanina'y kulay abong langit.

Pagkatapos ay dumiretso kami sa bayan ng Sorsogon upang bumili ng mga pasalubong. Tanghalian na nang nakabalik kami sa Kubo. Inabutan din namin ang kontrobersyal na "Fight of the Century" nina Pacquiao at Mayweather.

Matapos nito, nag-empake na kami at naghanda para sa isa na namang napakahabang biyahe pabalik sa Batangas. At tila inaasar kami ng panahon dahil maka-tanghalian ay bughaw na bughaw na ang langit!



Sa simula ng biyahe, nagpakita nang buo ang Bundok Pulog at namangha kami sa ganda ng mga kurba nito na hitik sa mga puno ng niyog. Tumigil din kami sa Pepita Park upang sa huling pagkakataon ay masilayan nang buo ang Bulkang Bulusan. Ngunit hindi pa rin nagpakita ang taluktok ng Bulusan...

Bulkang Bulusan, tanaw mula sa Pepita Park, Sorsogon. Mayo 2014.


Bulkang Bulusan, tanaw mula sa Pepita Park, Sorsogon. Mayo 2015.
Bagaman nanghihinayang, tinanggap namin ang mga kaibahan sa pagitan ng kung ano ang aming mga inasahan at kung ano ang mga nangyari. Sa pagiging manlalakbay, bundokero at retratista ng mga tanawin, wala kang magagawa kundi sabayan lang at tanggapin ang mga galaw ng Kalikasan, hanapin ang kung ano ang maganda at positibong anggulo sa mga pangyayari, at higit sa lahat, maging masaya.

Sa paglalakbay na ito, hindi naman kakaunti ang mga sandaling masaya kami. Masaya kami dahil naranasan namin ang napakahabang biyahe sa South Road, na ayon nga sa isang manunulat, ay isang daan ng maraming gunita at panata. Masaya kami sa masasarap na pagkaing inihain sa amin sa Sorsogon. Masaya kami sa patikim na buhay probinsya sa pag-iigib ng tubig sa poso. Masaya kami sa paglukso sa dagat Pasipiko mula sa mga mabatong dalisdis ng Paguriran. Masaya kami dahil sumaya ang mga magsasaka sa Agua de Mayo na tila kami ang may dala. Masaya kami sa magagarang retrato. Masaya kami sa pag-iikot at pagka-kayak sa Lawa ng Bulusan. Masaya kami at naging ligtas mula sa anumang matinding sakuna at aksidente. Masaya kami sa lalong pagkauhaw na marating ang taluktok ng Bulusan. At noong huli, noong bumibiyahe pabalik sa Batangas, masaya kami sa surpresa ng Bulkang Magayon at ng kaniyang buong kaluwalhatian.

Photo op sa Bulkang Mayon. Mayo 3, 2015